SIMULA Enero 1, 2020, may dagdag ng P45 ang bawat pakete ng sigarilyo. At iisa ang ibig sabihin nito, tataas siyempre ang bawat kaha ng yosi. Sa kasalukuyan, ang isang stick ng karaniwang yosi ay P5 kaya sa bagong tax, maaaring madoble na ito.
Ang pagdadagdag ng buwis sa sigarilyo ay isa ng batas. Nilagdaan ni President Duterte ang batas noong nakaraang linggo kaya mula P35 na tax, magiging P45 na. Ayon sa Malacañang ang pagtataas ng tax sa sigarilyo ay para maprotektahan ang kalusugan ng mga Pilipino sa nakamamatay na bisyo at para masuportahan din ang implementasyon ng Universal Health Care Act. Kapag naimplement ang P45 tax rate sa susunod na taon, kikita ang pamahalaan ng P15 bilyon. Kasama ring itataas ang tax ng electronic cigarette o vape.
Napakahalaga ng batas na ito at isa sa kapaki-pakinabang na nilagdaan ni President Duterte. Binanggit niya ito sa nakaraang SONA. Gusto niya, maprotektahan ang mamamayan sa masamang dulot ng paninigarilyo kaya nilagdaan ang batas. Alam niya na mapanganib ang paninigarilyo sapagkat siya ay dati ring smoker. Nagawa niyang itigil ang bisyo maraming taon na ang nakararaan.
Noong nakaraang taon, isang Executive Order ang kanyang inisyu na nagbabawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar. Bawal nang manigarilyo sa mga government offices, plaza, paligid ng school, palengke, simbahan at iba pang matataong lugar. Bawal din ang magtinda ng sigarilyo sa mga publikong lugar at magbenta nito sa mga menor de edad. Mapaparusahan ang mga lalabag.
Ganunman, malamya ang pagpapatupad ng kautusan sapagkat marami ang lumalabag at hindi na hinuhuli. Ningas-kugon lang. Wala nang nagpapatupad at tila nawalan ng saysay ang Executive Order. Hindi sana balewalain ang kautusan ng Presidente.
Sa pagpapataw ng mataas na tax sa sigarilyo, tiyak na maraming bibitiw sa bisyo. Maraming makakaligtas sa sakit kapag hindi na nanigarilyo. Karaniwang sakit na nakukuha sa paninigarilyo ay cancer sa baga, atay, lalamunan, labi, dila sakit sa puso at iba pa. Taun-taon, maraming Pilipino ang namamatay sa sakit na nakukuha sa paninigarilyo. Sa pagtataas ng tax, tiyak na mababawasan ang maninigarilyo. Maaaring mag-quit sila sa bisyo at makakaligtas sila sa pagkakasakit at kamatayan.