Mukhang ngayong araw maglalabas ng bagong memorandum ang Department of Interior and Local Government (DILG) na magpapaigsi sa 30 araw na lamang na ultimatum sa mga Metro Manila mayors para malinis sa mga obstruction ang mga lansangan na kanilang nasasakupan.
Una nang nagbigay ng 60 araw na palugit ang tanggapan na naging 45 araw na lamang para isakatuparan ang kautusan ni Pangulong Digong na ibalik sa mga motorista at pedestrian ang mga kalsada, pero ngayon sa tantiya ng DILG ay kayang-kaya itong gawin sa loob lamang ng 30 araw.
Posibleng kasuhan ang mga alkalde na hindi makakatugon sa nabanggit na kautusan.
Inihalimbawa ng DILG ang nangyari sa lungsod ng Maynila kung saan ilang araw lamang ay nalinis ni Mayor Isko ang mga pangunahing kalsada na sa matagal nang panahon eh inokupa at doon namayagpag ang mga illegal vendors.
Political will lang naman kasi ang kailangan at hindi na marapat pang magpaliguy-ligoy, liban na lang kung may nais silang protektahan.
Hindi lang naman illegal vendors ang maituturing na sagabal sa mga daanan, kung mag-iikot lang nga ang DILG sa ibat-ibang lugar sa Metro Manila nandyan din ang mga illegal structures na itinayo mismo sa mga bangketa, lalo na sa kalsada.
Ang nagiging siste, wala nang lugar ang mga pedestrian kundi sa mismong kalye na bumaybay.
Ang masaklap pa nga rito, ang ilang mga structure eh outpost ng barangay. Imbes na sila ang sumawata sila pa ang sinusundan.
Ang mga itinayong establisimeno o negosyo sa mga bangketa pihadong alam din ng barangay at malamang na may pahintulot nila. Yun nga lang dapat malaman kung ano ang usapan dito na posibleng pinagmumulan din ng korapsyon sa mababang lebel.
Kaya nga kung pinupukpok ng DILG ang mga alkalde, dapat na pukpukin din ng mga mayor ang mga barangay officials.
Maging ang illegal parking sa mga lansangan, naku dapat ding magkaalaman dito.
Barangay pa rin ang nakakaalam nyan.
Saan ka nakikita na kallsada a o sidewalk ay may nakalagay na reserve parking.
Sa mga kalsada sa mga bara-barangay nandyan din ang mga nakapark madalas pa nga double parking , hindi malaman kung bakit pinapayagan ng nasa barangay.
Kung talagang desidido ang DILG at mga alkalde na tuldukan ang mga sagabal sa daan, ikutin nila ang suluk-sulok ng Metro Manila o ang kanilang asasakupan at dyan nila makikita ang pinagmumulan ng problema.
Kalampagin ang mga walang pakialam na mga barangay chairman na tila natutulog lang sa pansitan.