MAAARING maibalik ang parusang kamatayan na ilang ulit nang ibinasura sa mga nakaraang administrasyon. Sa kasalukuyan, malakas ang panawagan na ibalik ang death penalty pero para lamang sa drug traffickers at plunderers.
Sa ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni President Duterte noong Lunes, hiniling niya sa mga mambabatas na ipasa ang death penalty para masampolan ang drug traffickers at ganundin ang mga mandarambong. Naging usap-usapan din kung anong paraan ang gagawin para sa pagbitay. May nagmungkahing gumamit ng lubid para bigtiin ang kriminal. Hindi raw makatao kung lethal injection ang gagamitin. Isa rin sa sinusuportahang paraan ay firing squad.
Anuman ang gawing paraan sa paggagawad ng parusa sa drug traffickers at plunderers ay hindi na mahalaga. Isa rin naman ang kahahantungan ng nagkasala. Ang dapat apurahin ay ang mabilis na pagpapasa ng death penalty law para masampolan na ang drug traffickers at mga mandarambong. Kung maaari, isama na rin sa mga mapaparusahan ng kamatayan ang mga rapist sapagkat dumarami na ang mga nanggagahasa. Sa kasalukuyan, pati ang mga bata ay ginagahasa at pinapatay.
Suhestiyon naman ni Sen. Manny Pacquiao, unahin munang bitayin ang mga drug traffickers at saka na ang mga mandarambong. Malubha na umano ang drug trafficking sa bansa kaya dapat nang maparusahan ang mga nagkasala. Nagpaalala naman siya na dapat ay maging maingat sa paglalapat ng parusa. Kailangan ay tiyakin na nagkasala ang bibitayin.
May punto ang senador. Unahin muna ang mga drug traffickers na isalang sa bibitayin at saka na ang mga mandarambong at rapists.
Kailangang masampolan ang drug traffickers. Kung hindi magkakaroon nang mabigat na batas, hindi titigil ang mga dayuhang drug traffickers sa pagdadala o pagpapasok ng droga sa bansa. Hindi na nasisindak ang mga dayuhan dahil nga walang ngipin ang batas sa Pilipinas.
Ipasa ang death penalty at isalang agad ang mapapatunayang drug traffickers. Kapag naubos ang mga “salot” mababawasan na rin ang mga nangyayaring krimen sa bansa. Halos lahat ng mga nangyayaring krimen ay may kaugnayan sa paggamit ng droga.