Makatatanggap ba ng separation pay ang kasambahay?

Dear Atty.,

Ako po ay sampung taon nang namamasukan bilang isang kasambahay dito sa Caloocan. Kamakailan, natanggap po ako bilang domestic worker sa ibang bansa kaya binabalak ko na pong magpaalam sa aking amo. Gusto ko lang po sanang itanong kung makatatanggap ba ako ng separation pay sa aking pag-alis. -- Jonalyn

Dear Jonalyn,

Bagama’t maraming inilalaan na karapatan ang Republic Act 10361 para sa mga kasambahay, katulad ng garantisadong 13th month pay at pagkakaroon ng SSS, PhilHealth, at Pag-IBIG coverage, walang nakasaad sa nasabing batas ang karapatan ng mga kasambahay sa pagkakaroon ng separation pay.

Sa ilalim ng Batas Kasambahay, walang nabanggit na separation pay na may katulad ng depinisyon sa Labor Code, kung saan nakasaad na katumbas ito ng kalahati hanggang isang buwan na suweldo para sa bawat isang taong serbisyo ng empleyado.

Sa halip na separation pay, makatatanggap lamang ang kasambahay ng dagdag na bayad na katumbas ng 15 araw na kita kung siya ay sinisante ng walang dahilan at ng mas maaga kaysa sa nakasaad sa kontratang kanyang pinirmahan, kung mayroon man.

Hindi angkop ang probisyong ito sa iyo dahil hindi ka naman sinisante ng iyong amo.

Kahit pa Labor Code ang pagbabatayan ay hindi ka rin makatatanggap ng separation pay dahil angkop lamang ito kung ang employer ang nagpaalis sa manggagawa. Ayon sa’yo, ikaw ang magre-resign o boluntaryong aalis upang mangibang bansa.

Nawa’y nasagot ko ang iyong katanungan. Paalala lamang na ang payong nakasaad dito ay batay lamang sa iyong inilahad at maaring hindi ito maging angkop sakaling may detalye ka na hindi nabanggit.

Show comments