Sino ang bingi?

ANG mag-asawa ay parehong nasa 80 anyos. Napapansin ni Mister na parang humihina na ang pandinig ng kanyang Misis dahil sa tuwing may itatanong siya ay hindi ito sumasagot. Nagkaroon siya ng konklusyon na mahina na ang pandinig nito. Dati ay mahilig itong makipagkuwentuhan sa kanya pero habang tumatagal ang mga araw, lagi itong walang kibo at tahimik na lang na nanonood ng TV.

Gusto sana ni Mister na dalhin ito sa doktor para ma-check up ang tenga pero nag-aalangan siya kung paano ang gagawing approach dahil maramdamin na ito. Ang ginawa niya ay lihim siyang nakipagkita sa kanilang family doctor at nagtanong kung ano ang dapat niyang gawin.

Ang suggestion ng doktor:

“I-testing mo ang kanyang pandinig. Una, tumayo ka ng 40 feet ang distansiya mula sa kinaroroonan ni Misis. Magtanong ka sa kanya gamit ang normal na lakas ng iyong boses kapag nag-uusap kayo. Kung hindi ka marinig, i-adjust mo ang iyong distansiya ng 30 feet; kung hindi ka pa rin marinig, gawin mo ng 20 feet; then reduce to 10 feet hanggang sa marinig ka na niya. Tandaan mo kung anong distansiya mo sa kanya nang marinig ka.”

Nagkataong nagluluto si Misis nang dumating si Mister. Nakatalikod ito kaya hindi napansin ang pagdating ni Mister. Pasimple siyang kumuha ng pansukat para malaman kung gaano kalayo ang 40 feet mula sa kinaroroonan ni Misis. Minarkahan niya iyon. Tumayo siya sa marka at nagtanong:

“Metring, ano ang niluluto mo?” . Walang sagot.

Lumapit siya at ginawang 30 feet ang layo nito. Wala pa rin sagot.

Nag-adjust siya ng distansiya at ginawang 20 feet; then 10 feet pero wala pa rin sagot. Lumapit siya at buong pagmamahal na ibinulong kung ano ang niluluto nito.

“Diyos ko, apat na beses na kitang sinagot na TINOLA ang niluluto ko! Pablo, kailangan na kitang dalhin sa doktor para mapatingnan ‘yang tenga mo. Mukhang may problema ang iyong pandinig. Isang buwan ko nang napapansin na kapag kinakausap kita ay hindi mo ako sinasagot”.

MORAL:

Minsan, hindi pala sila ang may problema kundi tayo pala. Hindi lang kasi natin binubuksan ang ating isipan at puso kaya hindi natin alam.

 

 

Show comments