Ang problema ay tayo mismo

MAY sinabi si Presidente Duterte sa kanyang SONA na tagos sa puso. Sabi niya, “Ang kaaway natin ay tayo mismo. Ang sarili natin ang demonyo. Tayo mismo ang nagpapahirap sa ating sa-rili.”  Bull’s eye!  Swak na swak! Ang mas problema natin kaysa komunismo at terorismo ay “tayo mismo.”

Kultural ang problema natin. Malalim na nakatanim sa ating puso’t isip, sapagkat ito’y naging paraan na ng ating pamumuhay. Hindi ito kayang resolbahin ng isang Presidente Duterte. Hindi sapat ang isanlibo mang SONA upang ito’y talakayin. Kailangan ang pakikiisa ng mahigit sa isandaang milyong Pilipino.  Kailangan ang malaliman at matagalang pagbabago.

Anu-ano ang mga “demonyo” sa ating sarili na naging kultura na?  Una ay ang kultura ng katiwalian. Wala na yatang sangay ng gobyerno na hindi tiwali.  Nangyayari ang katiwalian mula sa pinakamataas hanggang sa pinakamababa. Maraming nagpapakamatay na mapasok o mahalal sa puwesto sa gobyerno, hindi dahil sa suweldo, kundi dahil sa sahod na mas malaki kaysa suweldo.  Ang sahod ang salin ng “kickbacks.” Bihira sa opisina ng gobyerno ang kahanga-hanga sa pagsisilbi sa publiko. Karaniwan, hinagpis at buntunghininga ang nararanasan ng isang taong may transaksyon sa gobyerno. Sa totoo lang, ang taong-gobyerno talaga ang lumalabas na “bossing” at hindi ang taumbayan.  

Ikalawa ay ang kultura ng pagkamakasarili.  Ang mahal lang natin ay ang ating sarili at ang ating pamilya. Wala tayong pakialam sa ating barangay, lalo na sa buong Pilipinas. Wala tayong pakialam kung tapunan man natin ng basura o gawing bodega ng mga luma nating gamit ang kalsada. May isa akong kaibigang Koreano na may sinabi sa akin na para akong sinampal sa mukha, pero hindi ako nakaimik, dahil totoo. Ang sabi niya, “Ang problema sa inyong mga Pilipino, wala kayong pagmamahal sa inyong sariling bansa.”

 Ikatlo ay ang kultura ng laging paggigiit sa ating mga karapatan. Lagi nating ipinagsisigawan ang ating mga karapatan na parang ito lamang ang tanging mahalaga. Tama naman ito, ngunit ang mali ay ang kinagisnan nating kultura ng mababang pagpapahalaga sa ating mga responsibilidad. Kung ipinagsisigawan natin ang ating mga karapatan, dapat din nating ipinagsisigawan ang ating mga responsibilidad. Ang ating mga kapitbahay na tulad ng Singapore, Taiwan, at Japan ay mauunlad na bansa na ang mga mamamayan ay “responsibility-oriented,” sa halip na “rights-oriented.”

Ikaapat ay ang kultura ng barkadahan at pagtanaw ng utang na loob. Basta’t kabarkada, iboboto sa eleksiyon kahit hindi karapat-dapat. Basta kabarkada, ilalagay sa puwesto, kahit walang alam at tiwali. Hindi naman masama ang tumanaw ng utang na loob. Ang totoo ay maganda itong katangian.  Ngunit ang hindi tama ay ang kunsintihin kahit ang masama dahil sa pagtanaw ng utang na loob. Mali rin ang kinagisnan nating kultura na pagtanaw ng utang na loob sa nagawang kabutihan ng mga halal na opisyales ng gobyerno.  Katungkulan talaga nila ang maglingkod.  Anumang ginastos nila sa paglilingkod ay hindi kanila, kundi pera rin ng taumbayan.

  Ang pagbabago ng kultura ay magsisimula sa pagbabago ng isip.  Ganito ang nasusulat sa Roma 12:2, “Huwag kayong makiayon sa takbo ng mundong ito.  Sa halip, hayaan ninyong baguhin ng Diyos ang inyong pag-iisip upang maunawaan ninyo ang kanyang kalooban, Sa gayon, magagawa ninyo kung ano ang mabuti, kalugud-lugod at ganap na kalooban ng Diyos.”

Magsisimula ang pagbabago sa iyo.  Kung ang problema natin ay “tayo mismo,” ang solusyon sa ating problema ay “tayo mismo.”

 

Show comments