KAKAUNTI pa lang ang nakakapagtrabaho sa abroad noong late 70’s sa aming lugar kaya sikat ka kapag natanggap ka sa abroad. Tuwing uuwi ang aking ama mula sa abroad ay nagpupuntahan sa aming bahay ang mga kamag-anak para manghingi ng pasalubong.
Noong ang barko nila ay sa Japan bumibiyahe, isang malaking bote ng Kikkoman ang kanyang bitbit sa loob ng maleta. Kasingtaas ng one year old baby ang boteng kinalalagyan ng toyo. Super laki ang kanyang binili para iyon ang kanyang ipamimigay sa mga kamag-anak na humihingi ng pasalubong.
Nakakatawa ang sitwasyon noon, hitsurang nagbebenta kami ng tingi-tinging toyo. May dalang basyo ng bote ang gustong makahingi ng Kikkoman. Natuwa naman ang mga nanghingi dahil wala pa noong Kikkoman sa aming lugar. At saka basta imported, kahit pa ‘yan suka o paminta, okey na iyon sa aming mga kamag-anak na mahilig sa pasalubong.
Mas nakatipid ang aking ama kaysa chocolate ang kanyang ipamigay.
Minsan ay nakabili naman ng pabangong Chanel no. 5 ang aking ama nang ang barko nila ay bumiyahe sa Middle East. Pulos perfume mula sa Paris ang itinitinda ng shop. Nagustuhan niya ang amoy ng Chanel no. 5. Basta’t type ni Tatay ang amoy, wala siyang pakialam kung pambabae o panlalaki ang scent ng isang perfume. Ilang bote nito ang kanyang binili, may panlalaki, may pambabae. Pagdating sa Pilipinas, natuwa ang nabigyan, nagtampo ang naubusan. Kaya nang muling nagbalikbayan, sinigurado niyang may regalong Chanel no. 5 ang mga nagtampo noon.
Nang namatay si Tatay, winisikan ko ng Chanel no.5 ang kanyang coffin. Gusto ko’y dalhin niya sa kahuli-hulihang sandali ang amoy ng paborito niyang perfume. Iyon ang naging signature scent ni Tatay sa tuwing magpaparamdam siya sa amin.
Unti-unting humahalimuyak ang bango ng Chanel no.5 sa buong bahay tuwing birthday niya, death anniversary o tuwing may sakit si Nanay. Parang iyon ang pasalubong niya tuwing nagbabalik-kaluluwa siya.