MULA ngayon, magsisilbing leksiyon na sa Ethiopian runner na si Hagos Gebrhiwet na hindi dapat magdiwang hangga’t hindi pa tapos ang karera.
Inakala niya kasing nanalo na siya sa karera kaya’t nagdiwang na kaagad kahit may isang lap pa siyang kailangang bunuin.
Nangyari ang pagkakamali ni Gebrhiwet sa 5,000 meter race ng Diamond League na ginanap sa Switzerland kamakailan.
Liyamado si Gebrhiwet sa karera nang bigla na lang niyang itinaas ang mga kamay at bumagal sa pagtakbo.
Inakala pala niyang tapos na ang karera nang marating niya ang finish line ngunit may isa pa palang lap na natitira.
Natauhan na lamang si Gebrhiwet nang makitang hindi pa tumitigil sa pagtakbo ang kanyang mga katunggali.
Tinangka niyang humabol ngunit huli na ang lahat. Mula sa unang puwesto, bumagsak siya sa ika-10.