‘Bakit naman siya magbabago?’

EKSENA sa isang workshop kung saan tinanong ng isang estudyante ang kanyang classmate na production assistant ng isang TV program. Ang topic nila ay ang ugali ng female host ng programa.

“Ang sungit ng babaeng ‘yun. Nanghihiya ng staff lalo na noong single pa lang siya” sabi ng P.A.

“Noong nag-asawa, bumait ba?”

Naririnig pala sila ng lecturer na nagtatrabaho rin sa network na kinabibilangan ng pinag-uusapang female host. Nakisabat ito sa usapan.

“E…bakit naman siya magbabago ng ugali. Kung ano ang natural, ‘yun na iyon.”

“Hi hi hi, naririnig pala tayo ni Sir. Oo nga walang pagbabago ang ugali, noong may asawa at pagkatapos mapahiwalay sa asawa ay masama pa rin ang ugali.” sagot ng production assistant.

Kung ano ang natural na ugali, walang bagay na magpapabago rito. Ganoon na siya hanggang sa malagutan ng hininga. Tinandaan ko iyon. Minsan dumalo ako sa isang maliit na party ng kamag-anak. Inaasahan ko nang madadatnan ko roon ang isang taong napakatagal ko nang hindi nakita. Lumayo siya sa kanyang pamilya dahil may ginawa siyang kasalanan. Bago siya lumayo, kaming dalawa ay nagkaroon ng matinding argumento na hindi na nabigyan ng pagkakataong maresolba dahil nga lumayas na siya. Pero pagkaraan ng maraming taon, nakipagbalikan siya sa kanyang pamilya kaya present siya sa family event na dinaluhan ko.

Ako ang unang bumati sa taong iyon na nakaaway ko. Maayos naman ang aming pagkukuwentuhan kaya umasa ako na mabait na siya ngayon. Kinumusta niya ang panganay ko. Naisip ko na baka niya nakakalimutan ang aking bunso kaya isiningit ko ito sa aming usapan.

“Ang aking bunso, si ___, nagtatrabaho na rin at ___”

Sumimangot ang aking kausap, pinutol nito ang aking pagsasalita, sabay sabi na parang nayayamot: “Hindi ko naman kilala ang bunso mo, hindi ko siya matandaan…” Kulang na lang ay sabihan ako ng:  “Huwag mong isingit sa usapan ang hindi ko kilala.”

Hindi agad ako nakasagot. Na-turn-off ako. Hindi pa rin siya nagbabago. Bagay sa kanya ang patanong na statement ng lecturer: Bakit naman siya magbabago? Later on, nabalitaan kong may nakaaway na naman siya sa kanyang pamilya.

Show comments