NANONOOD ang mag-ama ng war movie sa telebisyon. Titig na titig ang anak na pitong taong gulang pa lamang.
“Daddy, paano nagsisimula ang giyera sa tunay na buhay?”
“A, ganito ‘yan anak, halimbawa, may sinasabi ang Amerika sa France pero hindi naniniwala ang France. Iyon ang magiging simula ng kanilang…”
Biglang nakisali sa usapan ang ina. Nakasimangot sa narinig na sinabi ng asawa.
“Nonsense naman ‘yang example mo. Ano bang pagtatalunan ng Amerika at France?”
“Hindi ko sinasabing totoong nangyayari ‘yun. It’s just an example!”
“Magbibigay ka rin lang ng example, mali-mali pa!”
“Bakit ka ba nakikialam sa usapan namin?”
“E, kasi sa halip na malinawan ng bata ang tungkol sa giyera, lalo mo pang pinalalabo.”
“Naging malabo nang sumali ka sa usapan naming mag-ama!”
“Ako? Ako pa ang may kasalanan, eh, ikaw itong kung anu-ano ang itinuturo mo sa iyong anak.”
“Stop it please!” sigaw ng anak.
Natahimik ang dalawang nagtatalo.
“Thanks. Alam ko na po kung paano nagsisimula ang mga giyera.”