Walang corruption sa Phisgoc -- Ramirez!
WALANG katotohanan na may nangyaring corruption sa paghahanda ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc) sa darating na SEA Games sa bansa sa Nob. 30 hanggang Dis. 11. Kaya kahit binuwag na ni President Duterte ang Phisgoc, ipagpapatuloy pa ng samahan ang pangangasiwa sa paghahanda sa biennial meet, ayon kay chairman William Ramirez ng Philippine Sports Commission (PSC). Naging laman ng diyaryo, TV at radio nitong nagdaang mga araw ang pagbuwag ni Digong sa Phisgoc kaya madalian namang nag-meeting sina Phisgoc chairman Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano, Ramirez, at Sen. Bong Go noong nakaraang Biyernes para alamin ang katotohanan sa likod ng bintang na corruption. Ang sa hanay naman ng gobyerno ay dumalo sa naturang miting si Executive Secretary Salvador Medialdea. Kasama sa meeting ang lahat ng national sports association, bitbit ang limang atleta nila para samahan ang top brass ng Philippine Sports Commission (POC) at nang sa gayon ay matalakay nila ang corruption isyu. At siyempre, sa naturang pag-uusap na-resolve ng grupo ang isyu at napatunayan nila na walang saysay ang bintang na corruption sa Phisgoc. Hak hak hak! Hindi kaya black propaganda lang laban kay Cayetano ang isyu ng corruption sa Phisgoc dahil siya ang napili ni Digong na House Speaker? Araguuyyy! Ano sa tingin n’yo mga kosa? May punto, ‘di ba?
Kamakailan kasi mga kosa, lumutang ang isyu ng corruption sa Phisgoc habang nasa kainitan ng pagpili ng House Speaker ang gobyerno ni Digong. Siyempre, ang binasbasan ni Digong ay si Cayetano na maunang manungkulan bilang House Speaker na hindi ikinatuwa ng kanyang mga kalaban. Kaya ginamit ng mga kalaban ni Cayetano ang armas na corruption, at isa rito ay ang overpriced training uniform galing sa kompanyang Asics. Kahit nagsalita na si Digong, aba hindi huminto ang ilang pulitiko sa black propaganda nila laban kay Cayetano at nagbabaka-sakali pa na magbago ang isip ng una. Kaya lang sa miting noong Biyernes kasama sina Senator Go at Medialdea, natuldukan ang masamang hangarin ng mga kalaban ni Cayetano. Araguuyyy! Hak hak hak! Si Cayetano ay uupong House Speaker bukas sa 4th State of the Nation Address (SONA) ni Digong kaya huli na ang lahat para sa mga nag-aambisyon pang palitan siya, di ba mga kosa? Tumpak!
Imbes naman na maapektuhan ang paghahanda ng Phisgoc para sa SEA games, aba lalong lumakas ito sa tulong ng ilang stakeholders, at ayon kay Ramirez, «nagkakaisa na sila sa ilalim ng iisang liderato.» Ika nga mga kosa, imbes na magkawatak-watak, lalong tumibay ang samahan ng mga sports officials ng bansa, lalo na ang mga atleta na nasa kainitan ng kanilang paghahanda sa SEA Games. Araguuyyy! Nangako naman si Phisgoc executive director Ramon Suzara na kahit magbago man ang pamunuan nila ay hindi maapektuhan ang hosting preparations ng bansa sa SEA Games. Nagbigay din ng assurance si Suzara sa mga atleta at publiko na ang lahat ng desisyon at transaction ng Phisgoc ay magiging transparent para maiwasan na muli ang iba’t ibang isyu lalo na ang corruption. Abangan!
- Latest