EDITORYAL - Anti-Bastos Law
NOONG nakaraang Abril 17, 2019 pa nilagdaan ni President Duterte ang Republic Act No. 11313 o Safe Spaces Act at tinatawag ding Anti-Bastos Law pero noon lamang Lunes inihayag sa publiko. Sa ilalim ng batas, mahigpit nang ipinagbabawal ang sexually offensive acts sa kababaihan saan mang lugar na publiko, sa kalsada, sa lugar ng trabaho, sasakyan, schools, recreational areas, bars o maski sa online.
Bawal pagsalitaan na may kabastusan o kalaswaan, sipulan, sundan, paglabasan ng ari o gawaan ng sexual advances ang kababaihan. Nire-require ang mga restaurant, bars at mga sinehan na maglagay ng malinaw na warning signs laban sa magiging violators. Dapat ding magkaroon ng hotline number para madaling maireport ang violators. Kailangan din na may officer na kukuha ng complaint at dadakip sa perpetrators.
Napapanahon ang batas na ito sapagkat karaniwan nang maraming babae ang nababastos habang nasa kalye. Kahit ang mga babaing bibili lamang ng suka at toyo sa tindahan sa kanto ay nakakaranas ng pambabastos sa mga lalaking tambay.
May mga babaing sinisipulan at pinariringgan ng mga bastos na pananalita na para bang “pokpok” ang kanilang nakita. Mayroon pang kung anu-ano ang ginagawa para mapansin ng babae. Ang iba, tila manyak nang ipakikita ang ari sa babaing naglalakad o kahit sa nakasakay sa pampasaherong sasakyan.
Kapaki-pakinabang ang batas na ito at sana, maipatupad nang husto. Kailangan lang ay mayroong mapagsusumbungan karaka-raka para madaling maaresto ang sinumang gagawa ng kabastusan o kahalayan sa babae. Kung walang mag-aasikaso sa complainant, balewala ang batas na ito. Dapat siguruhing mayroong malalapitan ang mabibiktima ng mga bastos.
- Latest