Sino ang hinahabol ng demonyo?

SAPUL pa sa pagkabata ay best friend na sina Joey at Ricky. Hanggang sa pagtanda ay dala-dala pa rin ng magkaibigan ang kanilang magandang samahan. Si Joey ay naging pari at si Ricky naman ay naging matagumpay na negosyante. Nang magtagal ay pinasok ni Ricky ang pulitika at naging mayor ng kanilang bayan. Ang ikinalulungkot lang ni Father Joey ay naging atheist  si Ricky. Minsan, napadalaw si Ricky sa simbahang pinamamahalaan ni Father Joey. Nadatnan niyang may isang binatilyong pinangangaralan si Father Joey.

“Hindi na kita nakikitang nagsisimba kaya hayan, kaunting tukso lamang sa iyo ng demonyo ay bumibigay ka na.”

Pagkaalis ng binatilyo ay hindi nakatiis si Ricky na ibigay ang kanyang opinyon tungkol sa huling sinabi ni Father Joey sa binatilyo.

“Father, nagtataka lang ako sa inyong mga Kristiyano. Bakit ninyo laging bukang-bibig ang tungkol sa demonyo, kasalanan, tukso? Hindi kaya bunga lang ng inyong  wild imagination ang tungkol sa demonyo, impiyerno langit at Diyos? Sa aking palagay ay hindi totoo ang lahat ng iyan. Kahit  minsan ay hindi ko naramdaman na nilapitan ako ng demonyo. Kaya ang masasabi ko lang…walang demonyo!”

“Ganito kasi iyan, Mayor. Sino ba ang sinusuyo mo o hinahabol-habol kapag malapit na ang eleksiyon?”

“E, di iyong mga tao na inaakala kong ayaw sa akin?”

“Anong ginagawa mo doon sa mga taong nakatitiyak ka na ikaw ang iboboto?”

“Wala lang. Bakit ko pa sila pagkakaabalahan ng aking oras, e, 100 percent sure, na ako ang kanilang iboboto.”

“Ganoon din Mayor ang mga demonyo. Hindi na nila pinagkakaabalahan ng oras ang mga taong 100 percent sure, na nasa kanilang panig.”

                 

 

Show comments