Nagsisimula sa kalinisan ang lahat

SA tuwing ako’y bumabalik sa Pilipinas galing sa mayayamang bansa na tulad ng Singapore at US, iisa ang nangingibabaw sa aking damdamin — ang matinding lungkot at inis dahil sa maru-ming kapaligiran at kawalang disiplina sa mga kalye ng Maynila.  Kaylinis ng mga lugar na aking napuntahan at ang mga tao’y sumusunod sa trapiko kahit walang pulis!  Pero sa Maynila, naku, kabaliktaran ang tanawin!

Madalas kong naitatanong sa aking sarili, ang kahirapan ba’y kasingkahulugan ng karumihan at kawalang-disiplina? Hindi ba puwedeng ang isang tao’y manatiling malinis at sumusunod sa batas kahit na siya’y mahirap? Sa mahabang panahon, ang naging halimbawa ng karumihan at kawalang-disiplina sa Pilipinas ay ang Maynila na kabisera pa naman ng ating bansa. 

Kaya’t ako’y tuwang-tuwa sa ginawang paglilinis ni Mayor Isko Moreno sa mga bantog na kalye sa Maynila tulad ng Divisoria, Plaza Miranda, Binondo, at Ongpin sa unang araw pa lamang ng kanyang panunungkulan bilang bagong halal na mayor ng makasaysayang Maynila. Kagulat-gulat ang biglaang-pagbabago ng Divisoria na kilala hindi lamang dahil sa murang bilihin, kundi sa nagkalat na mga vendor, basura at mandurukot.  Tuwang-tuwa ang isa kong kaibigan na nagsabing napakaluwag at napakalinis ng Divisoria.  Nawala ang mga nagkalat na vendor, basura at maging ang mga mandurukot.

Sa harap ng mga papuring tinanggap ni Mayor Isko, sinabi niya na ang pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan sa mga kalye ay normal na tungkulin lamang ng isang mayor, kung kaya wala pa siya talagang nagagawang mga hakbang na talagang malaliman. Pero para sa akin, ito lamang ang maisagawa ng lahat ng mga mayor sa Metro Manila — ang mapanatili ang kalinisan at kaayusan sa mga kalye — ay malaking hakbang na tungo sa malalimang pag-unlad.  Kung ‘yung mababaw ay hindi magagawa, ‘yong malalim pa kaya? Sa kalinisan, magsisimula ang lahat.  May kasabihan nga na, “Cleanliness is next to Godliness.”

 Ako’y ipinanganak at lumaki sa Tondo, Maynila.  Malinis noon ang mga kalye sa Maynila. Ang lugar na puntahan ng mga tinatawag na sosyal upang mamili ng sapatos ay ang Escolta at upang kumain ay ang Ongpin. Noong ako’y nagkolehiyo, ang Plaza Miranda ay sagisag ng kalayaan at kahusayan sa pagsasalita. Kung mayroon kang isyung ipinaglalaban, ang tanong ay ito, “Kaya mo bang ipagtanggol ‘yan sa Plaza Miranda?”

Malaking bagay ang unang hakbang na ginawa ni Mayor Isko na lumaki sa slum ng Maynila at naranasang mangalakal ng basura para lamang may baon sa pag-aaral. Wala siyang mataas na “academic credentials,” ngunit alam niya ang pintig ng puso ng masa, sapagkat nanggaling siya roon.  Sa paglilingkod-bayan, mas mahalaga ang puso kaysa utak. Napakarami na nating naihalal na matatalino’t matataas ang pinag-aralan, pero inihulog lamang tayo ng mga ito sa balon ng katiwalian at karukhaan.

Ang tinawag ni Hesus na mga alagad ay mga karaniwang tao lamang upang hiyain ang marurunong. Kapag sinukat ni Hesus ang kakayahan ng isang tao, inilalagay Niya ang “measuring tape” sa puso nito at hindi sa ulo. Hindi tayo kailangang maging matalino upang makatulong sa pagbangon ng Pilipinas. Ang mahalaga’y magkaroon tayo ng pusong handang magsagawa ng kahit maliliit na sakripisyo alang-alang sa ating bansa.

 Simulan natin sa pagpapanatili ng kalinisan sa ating bakuran at harapan ng ating bakuran. Ilagay sa ayos ang ating mga basura at huwag na huwag magtatapon ng anumang kalat sa kalye. Laging sumunod sa batas, may nakakakita man o wala.

 

Show comments