SADYANG mababait at matulungin ang mga dolphin. Ipinakita nila ang kakaibang ugali nito sa mga mangingisda sa isang bayan sa Brazil kung saan tinutulungan nila ang mga ito na makahuli nang maraming isda. Lampas isang siglo na itong ginagawa ng mga dolphin sa bayan ng Laguna.
Tumutulong ang mga dolphin sa pamamagitan ng pag-ipon ng mga isda sa isang lugar. Pagkatapos ay sesenyasan naman nila ang mga nag-aabang na mga mangingisda gamit ang kanilang mga palikpik upang lambatin na ang mga isdang kanilang naipon. Kakainin naman ng mga dolphin ang mga nakawalang isda na hindi nahuli sa lambat ng mga mangingisda.
Mahalaga ang tulong na ibinibigay ng mga dolphin sa mga mangingisda dahil nakapakahirap manghuli ng isda sa kanilang lugar dahil sa malabong tubig sa baybayin ng Laguna. Kaya naman nakakapanghuli lang ng isda ang mga taga-Laguna kapag lumilitaw ang mga dolphin.
Walang takdang oras ang paglitaw ng mga dolphin kaya palaging nakaabang ang mga mangingisda sa may dagat para sa oras na dumating ang mga ito.
Nasa 120 taon na ang kooperasyon ng mga dolphin at ng mga taga-Laguna ngunit walang nakaaalam kung paano nagsimula ito. Ipinapasa lang ang kaugalian mula sa bawat henerasyon ng mangingisda sa Laguna at sinasabing ipinapasa rin ng mga dolphin ang kanilang nakagawiang pakikipagtulungan sa mga tao sa kanilang mga anak.