EDITORYAL - Hindi magandang halimbawa ang basagulerong mambabatas

NARARAPAT na ang mga mambabatas ay role model. Nararapat na maganda ang kanilang ipinakikita sa publiko para tularan. Kailangan na sila’y mapagkumbaba at walang kaangas-angas.

Ang ginawang pananapak ng baguhang mambabatas na si Alfred delos Santos ng Ang Probinsiyano party-list sa waiter ng isang restaurant sa Legazpi City, Albay ay hindi dapat palampasin.

Nakunan ng CCTV ang panununtok ni Delos Santos sa waiter na si Christian Kent Alejo noong Hulyo 7, dakong 3:40 ng madaling araw. Nasa isang table si Delos Santos kasama ang tatlo pang lalaki nang lumapit si Alejo at naglagay ng placemat pero makaraan iyon, bigla na lamang itong sinuntok ng kongresista sa hindi malamang dahilan.

Ayon sa report, tiningnan daw ng masama ni Alejo si Delos Santos at kinumpronta ito kung bakit ganoon makatingin pero nagsalita raw ng hindi maganda ang waiter kaya sinuntok ng kongresista. Itinanggi naman ni Alejo ang paratang. Hindi raw niya tiningnan nang masama si Delos Santos at wala raw siyang masamang sinabi sa lawmaker. Ayon pa kay Alejo, hindi rin daw totoo na nagkaayos na sila ni Delos Santos. Ayon pa sa abogado ni Alejo, hindi raw sila magpapaareglo.

Ayon sa mga kasamahan ni Delos Santos sa party-list, hindi nila kukunsintihin ang pang-aabuso nito. Hindi raw sila mangingiming alisin bilang congressman si Delos Santos kapag napatunayang nagkasala ito.

Kitang-kita naman sa CCTV ang pananapak ni Delos Santos kaya madali na para sa mga kasamahan sa party-list ang pagtanggal dito.

Kung ngayon na hindi pa siya pormal na nakakaupo ay basagulero na, paano pa kung nakapuwesto na. Maaaring kapag may nakagitgitan siyang motorista sa kalsada ay baka hindi lang pananapak ang gawin niya. Baka mamaril siya o anupang marahas na aksiyon. Kaya ngayon pa lang, putulin na ang pagi-ging basagulero niya. Kahit pa nag-sorry, tuluyan na siyang sibakin ng partido.

 

Show comments