EDITORYAL - Kailan ang revamp sa PhilHealth?

MAHIGIT isang buwan na ang nakararaan nang mabulgar ang “ghost dialysis” ng isang dialysis center sa Novaliches, Quezon City. Ibinulgar ng dalawang dating empleyado ng WellMed Dialysis Center na patuloy na nagre-reimbursed ang clinic sa PhilHealth kahit patay na ang dina-dialysis. Hindi lamang ang WellMed ang gumagawa nito kundi marami pang ospital, clinic at dialysis center na kahit walang naganap na dialysis session sa pasyente ay patuloy na naniningil sa PhilHealth. Karamihan ay pinepeke ang pirma ng pasyente para makasingil.

Kung hindi lumantad ang dalawang empleyado ng WellMed, tiyak na patuloy pa rin hanggang ngayon ang kanilang masamang gawain at sisimutin ang pondo ng PhilHealth. Kinasuhan na ang may-ari ng WellMed at nahaharap sa maraming kaso.

Ayon sa report, umabot na sa P154 bilyon ang “bogus” claims sa PhilHealth na ilang taon na ring ginagawa ng mga masisibang ospital at clinic partikular ang mga dialysis center. Kapag nasipsip nang lahat ng mga masisibang dialysis center at clinic ang pera ng PhilHealth, mamamatay ng dilat ang mga maysakit na miyembro. Wala nang gagamiting pondo sa kanila ang PhilHealth dahil naubos na ng mga masisiba.

Agad namang sinibak ni President Duterte ang mga matataas na opisyal ng PhilHealth at inilagay sa puwesto si retired general Ricardo Morales. Nang italaga sa puwesto si Morales, ipinangako niya na magkakaroon ng revamp sa pamumunuang tanggapan.

Pero hanggang ngayon, tahimik pa rin sa PhilHealth at wala pang nangyayaring revamp. Isang buwan na ang nakalilipas pero wala pang pagbabago. Maaaring nasa PhilHealth pa ang mga corrupt at ipagpapatuloy ang paglimas sa pondo.

Hindi magkakaroon ng lakas ang mga masisibang dialysis center kung wala silang kakutsaba sa PhilHealth. Laganap ang corruption sa PhilHealth kaya nga sinibak ni Duterte ang lahat ng mga opisyal doon.

Simulan na ang paglilinis sa PhilHealth. Naghihintay ang taumbayan sa gagawing revamp. Huwag hayaang manatili ang mga korap sa tanggapan na nagiging dahilan kaya nauubos ang pondo. Ipakita ng bagong PhilHealth chief ang kanyang “kamay na bakal”.

Show comments