DAHIL sa kakaibang kulay nito ay inakala ng mga animal rescurers sa England na isang pambihirang ibon ang kanilang nasagip sa tabi ng isang kalsada roon.
Matingkad na orange kasi ang kulay ng ibon kaya inakala ng lahat na isa itong exotic bird ngunit nang madala na sa ospital at nang mapaliguan ay napag-alamang dahil lang pala sa curry ang kakaibang kulay nito.
Hindi naman malinaw kung paanong naligo sa curry ang ibon, na hindi na makalipad dahil sa kapal ng sarsa na bumalot sa mga pakpak nito.
Bukod naman sa pagkakaroon ng matingkad na balahibo at sa matapang na amoy na dulot ng curry ay nasa maayos namang kalagayan ang ibon.
Ngayong hindi na nababalot sa curry ay nakatakda nang pakawalan ang ibon.