EDITORYAL - Leksiyon sa pulis na ayaw masingitan
ISA sa magandang dulot ng social media sa kasalukuyan ay mabilis na naaaksiyunan ang mga reklamo lalo na kung ukol sa mga abusadong pulis o taong gobyerno. Kung wala ang social media na kinakitaan ng video o retrato ng inirereklamo, hindi magkakaroon nang matibay na ebidensiya at mababalewala lang ang inihahain. Malaking tulong ang social media sa pagkakamit ng hustisya.
Pero mas mahalaga rin siyempre ang mabilis na pag-aksiyon ng namumuno para maihatid ang hustisya. Kung ang namumuno ay walang paki, balewala rin kahit may social media.
Kaya kapuri-puri ang mabilis na pag-aksiyon ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Major General Guillermo Eleazar sa inireklamong Police Senior Master Sergeant na nakunan ng video habang pinipitsirahan ang isang lalaki na nasingitan siya sa pila habang bumibili ng pagkain sa isang karinderya sa kanto ng Aurora Blvd. at Lagmay St., San Juan noong Sabado ng gabi.
Ang pulis na nagalit dahil nasingitan ay nakilalang si Senior Master Sergeant Arnulfo Ardales na naka-assigned sa San Juan Police Community Precinct 3. Bukod sa pagpitsira ni Ardales kay Aaron Estrada, hinablot din nito ang identification card at binantaang aarestuhin ito dahil sa vagrancy. Sinabi rin ng sarhento na hindi siya natatakot kahit ireklamo siya ni Estrada. Hinamon niya itong magreklamo.
Nagsampa ng reklamo si Estrada. Agad nakara-ting kay Eleazar ang reklamo. Nang mapanood nito ang limang minutong video, agad niyang ipinag-utos na sibakin sa puwesto si Ardales. Nangako rin siya sa nagreklamo na sisiguruhin ang kaligtasan nito kapag itinuloy ang pagsasampa ng criminal charges kay Ardales. Sabi ni Eleazar, “We are public servants. We are here to serve and protect.”
Ganito ang inaasam ng taumbayan, mabilis na aksiyon mula sa namumuno. Hindi tinutulugan ang reklamo ng publiko sa mga abusadong pulis. Sa ginawa ni Eleazar, unti-unti nang naibabangon ang imahe ng PNP na matagal ding panahong dinungisan ng sariling mga miyembro. Inaasahan pa ang mga susunod na pagkastigo ni Eleazar sa mga pulis na abusado at scalawags.
- Latest