Sa piling ng mga halang ang kaluluwa
Si Lewis Lawes ay naging warden sa isang bilangguan sa Amerika na kung tawagin ay Sing Sing Prison. Nakilala ang Amerikanong ito dahil ang bilangguang pinamahalaan ng mahigit sampung taon ay naging humanitarian institution. Naging modelo ang Sing Sing Prison ng iba pang bilangguan sa buong Amerika.
Ang totoo ay ang misis ni Lewis ang nagsimula ng lahat. Palibhasa’y ang tirahan nila ay nasa labas lang ng compound ng bilangguan, naging madali para kay Catherine ang “makialam” sa trabaho ng asawa.
Minsan, sa pagbabasa ng records ng mga bilanggo ay natuklasan ni Catherine na marami pala sa mga ito ay may kapansanan. Una niyang pinuntahan ang bulag na kriminal. Tanong niya—marunong ka bang magbasa sa pamamagitan ng Braille? Sagot—Ano ang Braille? Napabuntung-hininga si Catherine—ito ang paraan ng pagbasa sa pamamagitan ng mga daliri. Gusto mo bang matuto? Sumaya ang boses ng bulag—opo mam, gusto ko pong matuto. Napaiyak ang bilanggo nang unang beses siyang makapagbasa ng libro sa pamamagitan ng Braille.
May pipi at bingi rin bilanggo na nakilala si Catherine. Gusto niyang buksan ang communication sa mga pipi at binging bilanggo kaya’t siya’y nag-enrol sa eskuwelahang nagtuturo ng sign language. Marami pang programa ang ginawa ni Catherine na nagpadama sa mga bilanggo na may mga tao pa rin palang nagmamalasakit sa kanila.
Namatay si Catherine sa car accident at lahat ng mga bilanggo ay hindi lang nagluksa—iniyakan nila ang pagkamatay ng isang taong nagpadama sa kanila ng importansiya. May isang bilanggo na umaming noon lang siya umiyak sa buong buhay niya.
- Latest