ANG Pilipinas ay ikatlo sa mga bansa sa Asia na marami ang namamatay dahil sa air pollution. Nangunguna ang China at ikalawa ang Mongolia. Tinatayang 120,000 Pilipino ang namamatay bawat taon dahil sa mga sakit na nakukuha sa hangin na may lason. Karaniwang pinagmumulan ng hangin na may lason ang ibinubugang usok ng mga sasakyan partikular na ang mga dyipni na karaniwang yumayaot sa mga kalsada. Walumpong porsiyento na pinanggagalingan ng air pollution ay mula sa mga sasakyan. Pinakamalala ang air pollution sa Metro Manila.
Ayon sa Department of Health (DOH), ang maru-ming hangin ay nagdudulot ng noncommunicable diseases (NCDs). Kabilang sa mga sakit na idinudulot ng air pollution ay ang allergies, acute respiratory infections, chronic obstructive pulmonary diseases, cancer at cardiovascular diseases.
Ayon pa sa DOH, nakaamba ang panganib sa mga pasahero at pedestrians dahil sila ang nakalantad sa maruming hangin. Araw-araw, nalalanghap ng mga pasahero at pedestrians ang maruming hangin na dulot ng mga sasakyan. Bukod sa usok ng mga sasakyan, nalalanghap din ang mga usok ng sinunog na basura, goma, at harmful wastes na lubhang delikado sa kalusugan.
Ayon sa data na nilabas ng DENR-Environmental Management Bureau ang air pollutant concentrations sa Metro Manila ay umabot na sa 130 micrograms per normal cubic meter (NCM). Ang maximum safe level ng air pollutant concentration ay 90 micrograms per NCM. Ngayong 2019, tiyak na mas mataas na ang level ng air pollutant concentrations.
Sabi ng isang health official, hindi nabibigyang pansin ng gobyerno ang isyu ukol sa air pollution. Lulubog-lilitaw daw ang isyu sa air pollution at hindi ito binibigyang halaga. Dapat daw unahin ang problema na nakasalalalay ang buhay ng mamamayan.
Ang DENR ang dapat kumilos para masawata ang mga nagpaparumi sa hangin sa Metro Manila. Kung nakaya ni DENR Sec. Roy Cimatu na linisin ang Boracay at Manila Bay, makakaya rin ang air pollution sa Metro Manila. Magkaroon ng puspusang paghuli sa smoke belchers partikular na ang mga lumang sasakyan. Lagyan ng pangil ang Clean Air Act. Huwag nang hintayin na marami ang mamatay dahil sa pagkalason sa hangin.