PARANG mga kabute na nagsulputan ang mga restaurant at iba’t ibang establisimento sa Metro Manila particular na sa Parañaque City. Nagmistulang China town na ang Barangay Tambo kung saan malapit lang dito ang Pagcor Entertainment City. Napakaraming restaurant na pag-aari ng mga Chinese ang nasa lugar. Doon nagtayo ng negosyong restaurant ang mga Chinese sapagkat ang target nilang mga customer ay mga kababayang Chinese na nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na ang opisina ay nasa dating Uniwide Coastal Mall. Nagustuhan din umano ng mga negosyanteng Chinese na dito sa lugar na ito magnegosyo sapagkat malapit lamang sa airport.
Sabi ng mga residente, mula raw nang magsulputan ang mga establisimentong Chinese roon, tumaas na ang value ng kanilang property. Mayroon pang isang residente na inaalok na bayaran ang kanyang property para pagtayuan ng restaurant. Kahit daw magkano ay babayaran sa kanya ng Chinese. Parang ginto raw ang presyo ng property sa nabanggit na lugar na dati raw ay walang pumapansin. Pero sabi naman ng ibang residente, ang pagsusulputan ng mga establisimento sa kanilang lugar ay nagdudulot ng grabeng trapik. Halos hindi na umuusad ang trapik dahil sa mga nagsulputang mga establisimento.
Ang pagsusulputan ng mga Chinese restaurant at iba pang establisimento ay nagpapakita lamang na marami na talagang Chinese sa bansa. At hindi ito maganda sapagkat karamihan sa mga establisimento ay walang kaukulang papeles at lumalabag sa ordinansa ng lungsod. Ang masama pa, ang ilang restaurant ay ekslusibo lamang para sa mga Chinese. Bawal ang mga Pinoy. Maging ang pangalan ng mga restaurant ay nakasulat sa Chinese characters.
Kahit pa sabihing, nakapagki-create ng trabaho ang mga restaurant dahil ang mga crew ay Pinoy, hindi rin kanais-nais sapagkat illegal ang kanilang pag-ooperate. Marami ang nakitaan na walang business permit. Basta nagtayo lang sila roon at ang ilan ay gumamit ng mga pangalan ng Pilipino bilang dummy. Ipinasara na ang mga restaurant na nagsisilbi lamang sa mga Chinese. Pero marami pa rin umanong nag-ooperate nang illegal at walang sanitary permit. Ang mga dumi at basura ay deretso sa mga kanal at waterways.
Isara ang mga illegal at pasaway na Chinese restau-rant at iba pang establisimento. Hindi sila dapat hayaang manatili at agawan ng kabuhayan ang mga Pilipino.