Ipinanggatong ang Bibliya

ISANG paring misyonaryo ang napagawi sa isang lugar na walang alam tungkol sa Diyos ang mga tao. Maraming dalang Bibliya ang pari at ipinami­migay niya ito sa mga tao pagkatapos magbigay ng maikling pananalita tungkol sa kabutihan ng Diyos.

Naging maganda ang pagtanggap ng mga tao sa aral na itinuro ng pari maliban sa pinakalider ng komunidad. Isang araw ay nilapitan ng pari ang lider at binigyan ng Bibliya.

“Kapag ipinilit mo sa akin ang Bibliyang iyan, ang bawat pahina niyan ay gagawin ko lang  panggatong,” banta ng lider sa pari.

“Sige, gawin mo ang iyong gusto sa Bibliyang ‘yan pero sana ay basahin mo muna ang bawat pahina bago mo gawing panggatong,” buong pagpapakumbabang sagot ng pari.

Nakalimutan na iyon ng pari pagkaraan ng limang taon. Ngayon ay nasa Araneta Coliseum siya para dumalo sa espesyal na pagtitipon ng iba’t ibang grupo ng Catholic Charismatic Movement sa buong bansa.

Isang lalaki ang umakyat sa stage pagkatapos itong ipakilala bilang lider ng Charismatic Movement sa kanilang lugar.

“Limang taon ang nakaraan, wala akong alam tungkol sa Diyos. May isang pari na nagbigay sa akin ng Bibliya. Sabi ko, ipanggagatong ko lang ang Bibliyang ibinigay niya sa akin. Okey lang sagot ng pari sa akin pero ang pakiusap niya ay basahin ko raw sana ang pahina bago ko ito sunugin. Hindi ko ito sinunod. Basta’t ginawa kong panggatong ang Bibliya. Isang araw ay nasulyapan ko ang nakasulat sa pahina ng Bibliya na gagawin kong pampaliyab ng apoy sa mga kahoy na ginagamit kong panggatong—Awit 23. Akala ko ay kanta ang nakasulat dahil sa salitang “Awit”, kaya binasa ko ang Awit 23. Simula noon hindi ko na ginamit ang Bibliya bilang pampaliyab ng apoy. Ginamit ko na ito bilang pampaliyab ng aking pananampalataya sa Diyos. Salamat sa paring iyon saan man siya naroroon.”

Show comments