Line-up ni Isko, buo na!
HALOS buo na ang line-up ni Manila mayor-elect Isko Moreno na sa tingin niya ay makakatulong sa kanya na isulong ang ekonomiya ng siyudad.
Pero sa biglang tingin, mukhang maagang nagbayad ng utang si Moreno dahil karamihan sa napipisil niya ay mga miyembro ng sektang Iglesia ni Cristo (INC). Araguuyyy! Arok n’yo naman mga kosa na malaki ang naging role ng INC para ilampaso ni Moreno si outgoing Manila Mayor Erap Estrada noong nakaraang May election.
Kung sabagay, hindi naman relihiyon ang magiging basehan sa mga napipisil ni Isko ng line-up niya kundi trabaho, di ba mga kosa? Ang kumakalat na balita, ang napili ni Isko na maging secretary ay si Bernie Ang, ang ilang termer na konsehal sa 3rd district ng Maynila. Si Ang ang magsisilbing “little mayor” kumbaga at siyempre ang specialization niya ay ang relasyon ni Isko sa mga kababayan nating Intsik sa Chinatown district. Sa pagkaalam ko na-stroke at nahihirapang maglakad si Ang subalit sinabi ng mga kosa ko na magagampanan niya ang kanyang trabaho ng walang balakid.
Di ba may anak din si Ang na tumakbo sa abroad matapos magantso ang isang banko ng milyones? Araguuyyy! Si Atty. Emiterio “Jun” Moreno naman ang city legal, si Cesar Chavez ang chief of staff at si Felixberto Espiritu, ang city administrator. Hak hak hak! Hayan mga kosa, kayo na ang bahalang magrebisa sa background ng mga alipores ni Isko subalit maaga pa para husgahan sila.
Kung sabagay, ang inaabangan talaga ng Manileño ay kung sino ang uupo bilang bagong hepe ng City Hall detachment na papalit kay Lt. Col. Jackson Tuliao. Sa City Hall detachment ay may halos 60 pulis na naka-assign na maaring mautusan ni Isko sa kung anu-anong pangangailangan.
Ang pinakamalakas na kandidato bilang hepe ng City Hall detachment ay si Maj. Rosalino Ibay Jr., na hindi pa nakakaupo subalit nagtayo na ng Special Mayor’s Action Reaction Team (SMART), na sa tingin ng mga kosa ko ay magpadoble lang ng lingguhang intelihensiya. Araguuyyy! Ang balita, ayaw ni Isko na magugulo ang tabakuhan kaya ang unang utos ay walang hulihan, di ba mga kosang Rey Galupo at Pat Santos Sir’s? Hindi lang ‘yan! Ang uupo naman sa kontrobersiyal na Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ay si Dennis Viaje, na very close kay Isko.
Ang MTPB ang “milking cow” ng bata ni Erap na si Dennis Alcoreza, na tumakbo ng milyones na pondo ng una noong election. Alam naman ni Isko ang kalakaran sa MTPB dahil pinahawak ito sa kanya ni Erap noong “mabango” pa ang relasyon nila kaya magigiyahan niya si Viaje.
Ipinangako ni Isko na wawalisin niya ang kotong kaya nakatingin ang mga Manileño dito kay Viaje dahil sa MTPB ang madalas na kaso ay extortion dahil sa hindi sila sini-suwelduhan noong panahon ni Alcoreza, di ba mga kosa? Araguuyyy! Hak hak hak! Sa mahigit isang sako na pangako ni Isko, sana matupad lahat para umunlad naman ang pamumuhay ng Manileño! Teka nga pala, umugong din sa Davao group na ang kaibigan ko na si Col. Danny Macerin ang susunod na hepe ng Manila Police District (MPD). Hehehe! Si Isko ang may kasagutan nito, di ba mga kosa? Abangan!
- Latest