EDITORYAL - Hanapin, mga ospital at clinic na may ‘ghost dialysis’ claims

ISA lamang ang WellMed Dialysis Center na may “bogus” dialysis claim sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth). Marami pang ospital at clinic na ganito rin ang ginagawa na kahit patay na ang pasyenteng dina-dialysis ay patuloy pa ring kumukubra ng claim sa PhilHealth. Ang mga ospital at clinic na ito ang dapat imbestigahan para matigil na ang pagsipsip ng pera sa PhilHealth. Ayon sa report, umabot na sa P154 bilyon ang “bogus” claims sa PhilHealth.

Kapag hindi naipatigil ang ginagawa ng mga masisibang ospital at clinic lalo ang mga dialysis center, matutuyuan ng pondo ang PhilHealth at walang ibang kawawa kundi ang iba pang miyembro. Kapag nasipsip nang lahat ng mga masisibang dialysis center at clinic ang pera ng PhilHealth, mamamatay ng dilat ang mga maysakit na miyembro. Wala nang gagami­ting pondo sa kanila ang PhilHealth dahil naubos na ng mga ganid.

Nararapat din namang imbestigahan ang mga opisyal at empleado ng PhilHealth. Kung maigting ang paghahanap sa mga matatakaw na ospital, clinic at dialysis center, ganito rin dapat kahigpit ang pag-iimbestiga sa mga corrupt sa PhilHealth.

Hindi magkakaroon ng lakas ang mga masisibang dialysis center kung wala silang kakutsaba sa PhilHealth. Laganap ang corruption sa PhilHealth kaya naman pinag-resign ni President Duterte ang lahat ng mga opisyal nito. Nagalit ang Presidente sa nangya­ring “ghost claims” kaya ipinaaresto niya ang may-ari ng WellMed. Nakapagpiyansa na ang may-ari kaya pansamantalang nakalaya.

Dapat namang purihin ang dalawang “whistleblowers” na naging dailan kaya nabisto ang masamang ginagawa sa WellMed. Sana ganito rin ang mangyari sa ibang clinic o ospital na patuloy na kumukuha ng claims kahit patay na ang pasyente. Lumantad na ang mga may malasakit at ibulgar ang kawalanghiyaang ginagawa ng mga ospital, clinic at dialysis center. Makipagtulungan para lubusang mahubaran ang mga corrupt sa bansang ito.

Show comments