^

Punto Mo

Presyo ng pamamasyal sa kalawakan

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

KUNG mahal at magastos ang pamamasyal sa ibang bansa, tiyak na mas lalong mahal at magastos ang mamasyal sa labas ng ating daigdig lalo na kung mangyayari na maaari nang dayuhin ang ibang mga planeta tulad ng Mars.  Ilan-ilan nga lang at nabibilang sa hanay ng mga bilyonaryo ang nagagawang magtapon ng bilyun-bilyong halaga ng pera para magbakasyon sa International Space Station (ISS), isang laboratoryo na lumulutang sa labas o low orbit ng mundo na magkatuwang na binuo ng US, Russia at ng iba pang mauunlad na bansa mula noong 1998.

Sinimulan ng Russia noong 2001 ang pagtanggap ng “space tourist” at natapos noong 2009. Umaabot sa $20 milyon ang binayaran sa Russia ng bilyonaryong unang space tourist na si Dennis Tito. Napabalitang muling tatanggap ng turistang pangkalawakan ang mga Ruso sa  huling bahagi ng  2021.

Tulad ng layunin ng Russian space agency na makakalap ng kinakailangang pondo para sa kanilang mga space program, ganito rin ang dahilan kaya tatanggap na rin ng mga “space tourist” ang National Aeronautics and Space Administration ng US simula sa 2020.

Gayunman, hindi naman aktuwal na turista na tumatanaw o nanonood lang sa anumang mga makikita sa kalawakan lalo na sa mga pumapasok sa ISS. Lumalahok din sila sa mga kinakailangang pananaliksik at ibang kaukulang gawain doon. Kaya nga may mga tumututol sa salitang “space tourist” o “space tourism.” Hindi naman kasi ito iyong karaniwang turismo na magliliwaliw ka sa isang maganda at malayong  lugar, tutuloy sa isang hotel, magtatampisaw sa tubig sa dagat o swimming pool, kakain sa primera klaseng restawran at iba pa.

Ayon sa ulat, umaabot sa $58 milyon (humigit-kumulang na tatlong trilyong piso) ang halaga ng round trip ticket papunta sa ISS at pagbalik sa daigdig. Maaaring umabot ng hanggang 30 araw ang pamamalagi ng turista sa space station. At ang bawat gabi ng pananatili roon ay nagkakahalaga ng $35,000 para sa pagkain, tubig at life support system. Hindi pa kasama rito ang internet na halagang $50 bawat gigabyte.

Ang matatanggap na turista ay ihahatid sa kalawakan ng orbiter ng alin man sa dalawang pribadong U.S. Companies, Ang SpaceX sa pamamagitan ng Crew Dragon Capsule nito at  ng Boeing sa pamamagitan ng Starline nito. Ang mga kumpanyang ito ang pipili ng mga taong gustong pumunta sa ISS  at hindi kailangang Amerikano ito. Kaso, sa 2020 pa inaasahang maihahanda ang naturang mga capsule kaya ito ang panahong tinaya ng NASA na makapagpadala ng “space tourist” doon. 

• • • • • •

(Anumang reaksyon sa kolum na ito ay i-email sa [email protected])

KALAWAKAN

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with