EDITORYAL - Kunwaring kaibigan lang ang China
HINDI ganito ang kaibigan. Maaatim ba ng kaibigan na banggain ang ang bangkang pangisda at nang lumulubog na ay iniwan. Kunwari ay kaibigan lang ang China. Hindi sila tunay na kaibigan ng Pilipinas. At nararapat nang gumawa ng hakbang sa pangyayaring ito.
Naganap ang sadyang pagbangga sa bangkang pangisda ng mga Pinoy noong Linggo sa bisinidad ng Recto Bank sa West Philippine Sea. Nawasak ang bangka dahil sa matinding pagbangga. Ayon sa mga mangingisda, nakaangkla sila nang banggain ng Chinese fishing vessel.
Sobra na ang ginagawang ito ng China sa mga mangingisdang Pinoy at nararapat nang maghain ng diplomatic protest sa China. Sabi ni Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin, nakapaghain na umano siya ng protesta sa ginawa ng Chinese vessel. Nagalit umano si President Duterte sa ginawa ng Chinese vessel at gumagawa na ng imbestigasyon ukol dito.
Kung totoo na nagalit ang Presidente, dapat ang una niyang gawin ay i-recall ang Philippine ambassador at diplomat sa China katulad ng ginawa niya sa Canada dahil sa basura. Mas mabigat na problema ang pagbangga sa mga Pilipinong mangingisda sa loob ng teritoryo. Ipinakikita sa ginawang ito ng China na hindi nila itinuturing na kaibigan ang Pilipinas. Marami nang ginagawang paglabag ang China sa teritoryong sakop ng Pilipinas at wala namang ginagawang hakbang ang gobyerno ukol dito. Noong nakaraang Marso, hinarang at itinaboy ng Chinese vessels ang mga mangingisdang Pinoy sa Pag-asa Island. Ayaw silang pangisdain sa paligid ng isla na pag-aari naman ng bansa. Walang nagawa ang mga Pinoy kundi umalis. Lumung-lumo sila sa pangyayari sapagkat ang pangingisda sa nasabing lugar ang tangi nilang pinagkukunan ng ikabubuhay. Hindi ito ang unang pagkakataon na itinaboy ng Chinese vessels ang mga mangingisdang Pinoy.
Dumarami rin nang dumarami ang mga barko ng China sa karagatang sakop ng bansa. Ayon sa report, tinatayang 617 na barko ng China ang umaaligid sa Pag-asa. Kamakailan, sinabi naman ng China na aalisin na ang mga barko na hindi naman nagkatotoo.
Tiyak na mauulit ang pangyayari hanggang walang inihahaing protesta. Ipakita ng Pilipinas na marunong din tayong lumaban sa ginagawang pambu-bully. Hindi dapat manahimik sa pagkakataong ito.
- Latest