TIYAK nang may nangyayaring katiwalian sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at nararapat lamang ang utos ni President Duterte na magbitiw ang mga opisyales nito. Ang utos ng Presidente ay ipinaabot ni senator-elect Bong Go. Gusto umano ng Presidente na magkaroon ng top to bottom revamp sa PhilHealth. Ayon kay Go, nadismaya ang Presidente sa nangyari. Hindi raw nito hahayaan ang ganito kaya mayroong mananagot. Kakasuhan ang mga sangkot na opisyales at empleado. Pati ang may-ari ng dialysis center na naningil sa PhilHealth kahit patay na ang pasyente ay ipinaaresto rin ng Presidente sa National Bureau of Investigation (NBI).
Nabulgar ang tinatawag na “ghost dialysis” ng dalawang dating empleyado ng WellMed Dialysis Center sa Novaliches, Quezon City ang humingi ng tulong kay dating Presidential Spokesman Harry Roque tungkol sa patuloy na reimbursement ng kanilang pinaglilingkurang dialysis center. Ayon sa dalawa, kahit namatay na ang dina-dialysis na pasyente, patuloy pa rin ang paniningil ng WellMed. Ayon pa sa dalawang empleado, noong nakaraang taon pa sila lumapit sa tanggapan ng PhilHealth at inereport ang ginagawa ng WellMed pero hindi gumagawa ng aksiyon ang mga ito. Iyon ang nagtulak sa kanila para lumapit kay Roque.
Sabi naman ng PhilHealth, noong nakaraang taon pa nila sinampahan ng kaso ang WellMed. Kumikilos umano sila at hindi tinutulugan ang reklamo. Nanawagan din sila na lumantad ang mga whistleblower para malaman ang iba pang hinaing ukol sa WellMed.
Pero atrasado na ang aksiyon ng PhilHealth. Naunahan na sila kaya pilit silang sumasalag ngayon. Hanggang sa makaabot na sa Presidente. Noon pa, nagbabala na ang Presidente na kapag may nalanghap siyang singaw ng korapsiyon sa isang tanggapan, sisibakin niya. At ganyan nga ang ginawa niya sa mga executive ng PhilHealth.
Naamoy na ang katiwalian sa PhilHealth. Kailangang linisin ang tanggapang ito mula taas patungo sa ibaba. Hindi dapat manatili sa puwesto ang mga korap.