ISUSUBASTA na ang Hawaii jewelry collection ni dating First Lady Imelda Marcos. Pumayag na si President Duterte ukol dito kaya wala nang problema sa auction. Kapag nabenta, malaking karagdagan sa kaban ng bansa sapagkat nagkakahalaga ng P704.8 million ang mga alahas. Nakumpiska sa mga Marcos ang mga alahas makaraang tumakas sa Pilipinas noong Peb. 25, 1986.
Ayon sa Presidential Commission on Good Government (PCGG) na inaatasang mag-recover sa ill-gotten wealth ng mga Marcos at cronies nito, sumulat sila sa Presidente noon pang Set. 7, 2018 na aprubahan ang auction ng mga alahas na nasa kanilang pangangalaga. Pumayag na nga ang Presidente na maisubasta ang mga ito pati na rin umano ang iba pang ari-arian ng mga Marcos.
Wala nang makakapigil sa pagsusubasta ng mga alahas na nagkakahalaga ng milyong piso. Sabi ng Malacañang, maski ang mga Marcos mismo ay hindi maaaring sansalain ang pamahalaan sa pagsusubasta ng mga alahas. Anuman daw pagtatangka ng mga Marcos na tutulan o hadlangan ang pagsusubasta ay lalabanan nila. Hindi raw mananaig ang mga Marcos.
Tuluy-tuloy na ang pagsusubasta ng mga alahas at ang kikitain dito ay mapupunta sa mga Pilipinong nangangailangan at naghihikahos, ayon sa Malacañang. Bukod sa mga alahas, balak din ng PCGG na isubasta ang Marcos real state properties at shares of stocks na nagkakahalaga ng P1,081 bilyon.
Malaking pera ang kikitain sa mga ill-gotten wealth ng mga Marcos. Pagkaraan nang mahigit 30 taon, mapapakinabangan na rin ng mga nangangailangang Pinoy ang kikitain sa mga mapagbibilhan ng nakaw na yaman. Malaking tulong ito lalo pa’t naghahanap ang gobyerno ng pondo para sa serbisyo publiko.
Tiyakin lamang na ang proceeds o kikitain ay mapupunta sa mga nangangailangan. Magkaroon ng listahan ng mga mamamayan na karapat-dapat makatanggap. Unahin ang mga walang-wala, maysakit at sumasala sa oras ng pagkain. Huwag hayaang makinabang ang mga gahaman.