ARAW-ARAW sa BITAG Action Center, hindi nawawalan ng mga nagrereklamo laban sa mga delingkwenteng real estate developer. Iisa ang sumbong, iba-iba lang ang mukha at pangalan ng mga nagrereklamo’t inirereklamo.
Lahat nang nagrereklamo, parang sinakluban ng langit at lupa ang itsura. Umiiyak sa galit at pagod sa kagustuhang mabawi ang mga perang nakulimbat ng kanilang pinagkatiwalaang developer.
Kamakailan lang, isang ginang ang nakausap ko. Hindi niya raw makuha ang perang 7 taon niyang binayaran sa WCA Real Estate Properties and Development Corp.
Hanggang ngayon, hindi pa rin daw tinu-turn over ng WCA ang kanyang biniling bahay kaya gusto na niyang makuha ang pera.
Dagdag pa sa sakit ng kanyang ulo ay nang matuklasan niyang may cease and desist na pala ang kolokoy na developer mula sa Bacoor City Business Permit and Licensing Office (BPLO). Noong 2015 pa raw expired ang lisensiya ng WCA.
Dahil puro pangako at paasa lang ang ginagawa ng developer sa ginang, sinamahan siya ng BITAG Strike Force sa tanggapan ng WCA.
Kasama ng aming grupo ang BPLO, City Inspection and Compliance Unit at PNP-SWAT ng Bacoor City. Baka sabihin ng mga putok sa buho na nananakot na naman kami kaya laging may kasamang awtoridad ang aming team.
Halos mangatog ang tuhod ng head staff ng developer matapos naming iharap sa kanila ang aming complainant. Nang araw ding ‘yun, ipinasara ng Bacoor City BPLO ang opisina ng WCA real Estate Properties and Development Corp, dahil sa kawalan ng business permit.
Dumating naman sa tanggapan ng BITAG ang ipinadalang respresentante ng WCA. Nagharap sila ng ginang na nagrereklamo.
Nagkasundo ang dalawang partido at pumirma na ang developer sa kasulatang ire-refund ang perang 7 taong binayaran ng ginang.
Matagal ko nang payo sa mga isyung katulad nito, matrabaho man subalit kinakailangang suriing mabuti ang legalidad ng developer bago kumuha ng bahay man o condominium.
Maliit lang itong pagtitiyaga kung gusto nating makaiwas sa mas malaki pang problema. Kuwidaw ha, meron diyan mga sikat pa na developer, kapangalan ng isang santo pero demonyo sa panloloko.
At sa mga developer na tulad nito, hindi mapapagod ang Pambansang Sumbungan na lusubin at ubusin kayo lalo na’t kapalit nito ay katuparan ng pangarap ng mga simpleng Pilipino.
Mapapanood ang kabuuhan ng storyang ito sa aming Youtube, channel BitagOffical.