Isko, sangkaterba ang pangako!

SANGKATERBANG pangako na ang binitiwan ni Manila mayor-elect Isko Moreno na sa tingin ng mga Manileño uunlad ang kanilang pamumuhay kapag natupad ang mga ito.

Naglilibot kasi sa mga TV station si Isko sa ngayon at sa mga talk show ay isang sakong pangako na ang kanyang nabanggit at siyempre nananalangin ang mga botante na maisakatuparan man lang ang kalahati nito.

Wala namang bago sa ginagawa ni Isko dahil halos lahat ng mga pulitiko ay nangangako, ‘di ba mga kosa? Kaya panahon na lang ang makapagsasabi kapag ang mga pangako ni Isko ay magka-ending nang “Pinangakuan na nga kayo gusto n’yo pa tuparin?” Araguuyyy! Siyempre ang unang pumasok sa isipan ng mga Manileño ay ang pangako ni Isko na tutuldukan niya ang anarchy sa kalye. Ang tinutukoy kaya ni Isko ay ang basura? May posibilidad naman na matupad ito dahil ang kasagutan lang ay ang pagpalit ng kompanya na tagahakot ng basura dahil may pondo naman ang City Hall dito, ‘di ba mga kosa? Maari ring ang nasa isipan ni Isko ay ang towing at street parking na kinamumuhian ng mga Manileño sa ilalim ng liderato ng “animal” na si MTPB chief Dennis Alcoreza, na tumakbo na sa abroad matapos iwan ang kanyang mga tauhan na walang suweldo at pakialaman ang election fund ni outgoing Mayor Erap Estrada. Sa totoo lang, alam ni Isko ang towing at street parking na milyones ang iniakyat sa bulsa ni Alcoreza dahil sa kanya ito iniatang ni Erap noong vice mayor pa niya ang una. Tumpak! Ang iba pang pangako ni Isko tungkol sa pagbaba ng realty tax at allowance sa senior citizens at estudyante ng public colleges ay binabantayang maigi ng mga Manileño. Hak hak hak! Bibigyan ko ng 100 days si Isko para simulan ang foundation para sa ikatutupad ng kanyang mga pangako. Get’s n’yo mga kosa?

Ang napuna lang nang mga Manileño, habang masayang nangangako si Isko, hindi man lang niya nabanggit ang naglilipanang mga illegal vendors sa Divisoria, Blumentritt, Quiapo at Paco. Hindi lang ‘yan! Tahimik din si Isko sa isyu ng illegal gambling. Kaya hintayin natin kung ano ang maging datus ni Isko sa illegal gambling at vendors na ginawang gatasan ni Alcoreza at ng mga pulis noong panahon ni Erap, di ba mga kosa? Anong pangako kaya ang gagawin ni Isko sa dalawang ilegal na ito na karamihan sa mga nakikinabang ay bomoto sa kanya noong nakaraang election? Si Alcoreza mga kosa ang nasa likod ng organized vendors sa Maynila na ang may tolda na kulay green ay P10,000 ang bayad kada buwan samantalang ang kulay orange naman, na favorite color ni Erap, ay P30,000. Kaya hindi lang ang election fund ang natangay ni Alcoreza kundi maging ang pitsang galing sa organized vendors na milyones inabot. Araguuyyy! Hak hak hak! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!

Tungkol naman sa isyung may nag-iikot na kalalakihan sa Maynila para alamin ang “figure” ng parating ni Alcoreza, nangako si Isko na buburahin niya ang kotong sa Maynila, ayon kay kosang Armand Nocom, ang spokesperson ni mayor-elect. Poposasan din ni Isko ang mga ito, dagdag pa ni Nocom. “It will be different, ‘yan ang commitment ko sa taumbayan,” ani Isko. Abangan!

 

Show comments