Alarming ang malaking pagtaas sa bilang ng mga aksidente sa daan na kinasasangkutan ng mga motorsiklo.
Nasa 21 porsiyento ang itinaas sa naitalang mga insidente ng aksidente ng banggaan na sangkot ang mga rider, base sa tala ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Dahil na rin dito kung kaya nag-oorganisa ang MMDA ng road safety summits sa motorcycle riders na tutugon sa kung anong speed at disiplina sa lansangan na kailangan nilang maisagawa para maiwasan ang trahedya sa daan.
Ang lungsod ng Quezon ang may pinakamaraming insidente ng banggaan dawit ang motorsiklo.
Base sa rekord ng MMDA, lumalabas na may 26,652 motorcycle riders sa Metro Manila pa lamang ang nasangkot sa road crash noong 2018, 21 porsiyento itong mas mataas kumpara noong 2017 na 22,063 riders.
Gayunman, bumaba ang bilang ng mga nasawi sa road crash na may 13.2 percent buhat sa 235 deaths noong 2017 na umabot na lamang sa 204 noong 2018.
Kadalasang ang kawalan ng disiplina at ang hindi pag-stay ng mga ito sa itinakdang motorcycle lane o pagsingit-singit ang kadalasang nagiging sanhi ng aksidente.
Idagdag pa rito na marami pa ring rider ang hindi sumusunod sa pagsusuot ng helmet maging ang kanilang angkas. Marami pa rin ang nakikipagsapalaran sa posibleng matinding panganib na kinakaharap nila sa daan.
Maraming pang mga panuntunan ang hindi nasusunod kaya kadalasang nasasangkot sa mga aksidente sa daan na ito marahil ang dapat na matalakay at maipaunawa sa kanila sa summit.