AYON sa Department of Health (DOH) mula Enero hanggang Mayo ng taong kasalukuyan, 70,000 kaso ng dengue ang naitala ng tanggapan. Lubhang mataas ito kaysa sa naitala noong nakaraang taon na 39,449 cases. Halos doble ang naitaas ng bilang at ayon sa report, maaari pang dumami ang mga biktima ng dengue ngayong nagsisimula na ang tag-ulan.
Mas marami rin ang naitalang namatay sa dengue ngayon --- 312, kumpara sa mga namatay noong 2018. Karaniwang mga bata ang nagka-dengue. Mataas ang bilang ng mga nagka-dengue sa Calabarzon na may kabuuang 8,150 at ang mga namatay ay umabot sa 33. Marami rin ang nagka-dengue sa Western Visayas at Northern Mindanao.
Mula nang magkakontrobersiya sa Dengvaxia vaccine noong 2016, dumami ang nagka-dengue. Marami kasing magulang na natakot na pabakunahan ang kanilang mga anak. Ayon sa report maraming bata na binakunahan ng Dengvaxia ang namatay.
Pag-iingat na lang ang kailangan para makaiwas sa dengue na karaniwang inihahatid ng lamok na Aedes Aegypti. Madaling makikilala ang lamok na ito sapagkat batik-batik ang katawan. Kadalasang sa araw ito nangangagat.
Sintomas ng dengue ang lagnat, pagkakaroon ng pantal-pantal sa balat (rashes), pananakit ng ulo at kasu-kasuan, at pagsusuka.
Ang pagiging malinis sa bahay at bakuran ang pinakamabisang panlaban sa dengue. Takpan ang mga drum, timba at iba pang lalagyan ng tubig para hindi pangitlugan ng lamok. Itapon ang mga basyong bote at lata, tinapyas na gulong ng sasakyan, mga paso ng halaman at iba pang posibleng pangitlugan. Linisin ang mga kanal na hindi umaagos ang tubig sapagkat dito nangingitlog ang mga lamok at mabilis silang dumami.
Palawakin ng DOH ang pagbibigay ng impormasyon sa mamamayan ukol sa dengue. Marami pa rin ang salat sa kaalaman ukol sa mga lamok na naghahatid ng sakit lalo na ang mga nasa liblib. Isama na rin sa mga aralin sa school ang pag-iingat at paglilinis sa kapaligiran para malipol ang mga lamok. Magtulung-tulong para lubusang masawata ang paglaganap ng dengue. Nakamamatay ang dengue kaya hindi dapat ipagwalambahala.