Naging mapayapa ang pagbubukas ng klase noong Lunes, pero tulad ng dati ang mga kinakaharap na problema sa loob ng paaralan, mukhang iyon pa rin ang naranasan na tila hindi napaghandaan.
Unang araw pa lamang ng klase kung saan excited ang mga mag-aaral na maisuot ang kanilang mga uniporme, ang iba pa nga pinagsikapang makabili ng bago, pero pagdating sa mga paaralan, iuupo lang pala sa lapag, kung bakit, ito ay dahil sa kakulangan sa upuan.
Nakakalungkot isipin na nakaupo sa lapag ang mga estudyante ng ilang oras.
Sa madaling salita, hindi kumportable ang maraming mga mag-aaral, paano na magiging pokus ng mga ito sa pag-aaral.
Ayon naman sa katwiran ng ilang paaralan, may mga parating silang upuan, yun nga lang ay hindi umabot sa pagbubukas ng klase.
Sana nga lang ay naideliber ang mga ito bago nagbukas ang klase para sa naging kaayusan ng mga mag-aaral.
Kung sa ilang paaralan may upuan nga, ang problema naman sa ilan ay mistulang sardinas na ang mga estudyante sa rami.
Hindi rin yata nabigyan ng kaukulang pansin, ang pagdagsa ng mga mag-aaral kaya maraming mga classroom ang talagang siksikan.
Hindi ba’t bago pa man ay may listahan na sila ng mga mag-aaral na papasok, dapat noon pa lamang nagawan na ito ng paraan na hati-hatiin sa sapat na bilang at hindi sa mismong pasukan ay doon iisip ng paraan para ito maibsan.
Naku, eto pa hindi lang pala mga estudyante ang may problema sa kanilang gagalawan, kundi maging ang ilang mga guro o faculty na nawalan na rin ng faculty room sa isang isang paaralan sa Cavite makaraang gawing classroom ang dati nilang hinihimpilan.
Malaking bagay ang maaliwalas na paligid sa bawat isa lalu na sa mga isang mag-aaral kabilang ang klasrum para makapokus nang husto sa kanilang mga pag-aaral.
Sana ay patuloy itong matugunan ng mga kinauukulan.