TULAY ang Pambansang Sumbungan para magkaayos ang mga nagrereklamo at inirereklamo. Pinaghaharap namin ang magkabilang panig para sa patas na pag-iimbestiga.
Mayroong pagkakataong hindi nagiging maganda ang resulta ng kumprontasyon pero mayroon ding ang mga nagre-reklamo mismo ang nagpapakumbaba matapos maliwanagan sa kanyang isyu.
Isang recruiter ang inirereklamo ang agency na kanyang pinagtatrabahuhan. Sumbong niya, hindi raw sumunod sa usapan ang Sara International Manpower Services Inc. sa referral fee na napag-usapan nila.
Bawat isang nurse kasi na i-refer at matanggap sa trabaho ay P20,000 na komisyon para sa recruiter. Matagumpay siyang nakapagpasok ng walong nurses kaya inaasahan niyang makakakuha siya ng P160,000.
Ang siste, P110,000 lang ang ibinayad ng ahensiya, may balanse pa na P50,000 at ayaw na raw siyang bayaran. Ang problema, walang pormal na kasulatan ang magkabilang panig para maging katibayan ng kanilang kasunduan.
Sa pagbisita ng grupo ng BITAG sa opisina ng inirereklamong agency, pinagharap-harap namin ang nagrereklamo at mga opisyal ng Sara International Manpower Services Inc.
Aminado ang operations manager na si Norie Castro na mali ang nabanggit niyang halaga ng referral fee. Imbes na P20,000 kada nurse na ma-recruit, P10,000 lang daw talaga ang dapat na bayad.
Kinumpirma ng CEO na si Maricar Monzon na P10,000 kada tao ang orihinal na inaprubahan niyang referral fee. Dahil kasalanan ng operations manager ang hindi pagkakaintindihan at hindi malinaw na usapan nila ng recruiter, napagdesisyunan ng CEO na ibabawas sa sahod ng pobreng operations manager ang P50,000 na hinahabol ng recruiter.
Sa pagkakataong ito, umiral ang awa at kababaang-loob ng nagrereklamong recruiter. Minabuti niyang hindi na singilin pa ang agency.
Naunaawaan niya at pinaniwalaan ang pagkakamaling nagawa ng operations manager na nangako sa kanya nang malaking halaga.
May napapala ang pagpapakumbaba. Ang hustisyang nakuha ng nagrereklamo, kapayapaan ng loob at kawalan ng sakit ng ulo. Sabagay, ang pera ay kikitain pa.
Maging aral sana sa lahat ang kahalagahan ng nakasulat na kasunduan. Gabay ito at matibay na ebidensiya sa anumang napagkasunduan ng dalawang panig.