Dear Atty.,
Habang inihahanda ko ang mga dokumentong ipapasa para sa visa application, napansin ko na mali ang impormasyong nakasaad sa aking birth certificate ukol sa civil status ng aking mga magulang. Nakasaad kasi na sila’y married kahit hindi naman sila ikinasal.
Gusto ko po sanang itama ang maling impormasyong ito sa aking birth certificate upang iakma sa impormasyong nakasaad sa iba pang dokumentong aking isusumite para sa aking visa application. Kailangan ko pa po bang dumaan sa korte para lamang gawin ito? -- Ryan
Dear Ryan,
Bagama’t pinapahintulutan na sa ilalim ng Republic Act No. 9048 at 10172 ang city o municipal civil registrar na itama ang mga maling impormasyon na nakapaloob sa mga dokumentong nasa kanilang pangangalaga katulad ng birth certificate, ang kapangyarihang ito ay angkop lamang sa mga typographical o clerical error na walang kinalaman sa pagbabago ng edad, civil status, o nationality. Angkop lamang ito sa mga pagtatama ng mga simpleng pagkakamali ng nagta-type katulad ng maling spelling ng pangalan o ng lugar ng kapanganakan.
Kung ang pagkakamali ay ukol sa impormasyong may kinalaman sa nationality, edad, o estadong sibil ng isang tao ay kakailanganin nang dumaan sa husgado.
Dahil ang gusto mong itama ay impormasyong ukol sa pagiging kasal ng iyong mga magulang, kakailanganin mong dumaan sa husgado at mag-file ng petisyon sa ilalim ng Rule 108 ng ating Rules of Court. Apektado kasi ng impormasyong gusto mong itama hindi lamang ang civil status ng iyong mga magulang kundi pati na rin ang civil status mo.
Paalala lamang na papayagan lamang ng husgado na itama ang impormasyon ukol sa pagiging kasal ng iyong mga magulang kung mapatunayan mong hindi naman talaga sila kasal noong ikaw ay ipinanganak. Pagtatama lamang ng mga typographical error ang maaari sa ilalim ng Rule 108 at hindi ito maaring daan sa pagpapawalambisa ng isang kasal.
Nawa’y nasagot ko ng lubos ang iyong katanungan. Paalala lamang na ang payong legal na nakasaad dito ay base lamang sa mga impormasyong iyong inilahad kaya maaring mag-iba ito sakaling may ilang mahahalagang bagay ka na hindi nabanggit.