Katiwalian ang pinakamalaking laban

BATAY sa pagtaya ng International Monetary Fund, ang ekonomiya ng Pilipinas ang pang-ika-28 pinakamalaking eknomiya sa buong mundo ngayon. Kung mapapanatili ng Pilipinas ang 6.5% paglago ng Gross Domestic Product (GDP)  nito sa susunod na dekada, ang Pilipinas ay makakasama sa tinatawag na “Trillion-Dollar Club” na kinabibilangan ng United States, China, India, Japan, Germany, Russia, Indonesia, Brazil, United Kingdom, France, Mexico, Italy, Turkey, Korea, Spain, Saudi Arabia, and Canada.

 Ang ideolohiya ng sikmura ang pinakamakapangyarihang ideolohiya sa lahat ng panahon.  Walang kuwenta ang anumang pag-unlad sa eknomiya kung hindi ito nararamdaman ng  nakararaming mamamayan. Sa puntong ito’y magandang balita ang ulat ng Philippine Statistics Authority.  Ayon sa ahensiya, ang insidente ng kahirapan sa bansa ay bumaba ng 6.6%,  mula sa 27.6% noong 2015 ay naging 21% noong 2018. Sa kabilang dako, ang karaniwang kita ay tumaas ng 21.2%, mula sa dating 15.3%.

Kasihan nawa tayo ng Diyos upang ang pagtaya ng mga economic experts na tayo’y makiki-pagsabayan sa US at China ay magkatotoo.  Ang pagkasi ng Diyos ay mangangahulugan, una sa lahat, ng pagkakaroon ng maayos na pamamahala na buong higpit na lalaban sa katiwalian.

Ang paglaban sa katiwalian ang pinakamalaking laban na kinakaharap ng kasalukuyang administrasyon at ng mga susunod pa. Ito rin ang dapat na matanim sa kukote ng bawat botante — na huwag iboboto ang sinumang kandidato na naugnay sa anumang katiwalian. Bawat mamamayang Pilipino ay kailangang magkaroon ng “zero tolerance” sa katiwalian. Dapat isuka ang katiwalian.  Ang malungkot na tanong, ilan kaya sa mga nanalo noong nakaraang eleksyon ang mga tiwali? Kung may nanalong tiwali ay sapagkat may bumotong tiwali. 

Nasa atin ang lahat ng katangian upang sumabay sa mayayamang bansa. Biniyayaan tayo ng Diyos ng likas na yaman na wala maging sa ilang mauunlad na bansa ngayon. Matatalino ang mga Pilipino. Mayroon ngang mga nagsasabi na hihinto ang pag-usad ng ekonomiya ng buong mundo kung aalisin ang mga Pilipinong nagtatrabaho sa iba’t ibang bansa. Pero ang totoo, ito ang isang napakalungkot nating karanasan bilang isang bansa — ang ating mga anak ay kinakailangan pang manirahan at magtrabaho sa ibang bansa upang hanapin ang kanilang kinabukasan. Maraming mga kababayan natin ang nagtatrabaho bilang mga katulong sa iba’t ibang bansa. Tayo ang tinaguriang “alila ng mundo.”

Kung tayo’y makakabilang sa “trillion-dollar club” mangyayari sa atin ang sinasabi sa Deuteronomio 28:12-13, “…dahil dito, hindi kayo mangungutang, sa halip, kayo pa ang magpapautang sa ibang bansa.  Gagawin kayo ng Diyos ninyong si Yahweh na pinuno ng mga bansa, at hindi tagasunod.  Uunlad kayo at hindi mabibigo kung susundin ninyong mabuti ang kanyang mga utos na ibinibigay ko sa inyo ngayon.”

Samakatuwid, magkakatotoo ang napakagandang pagtaya sa ating pag-unlad bilang isang bansa kung susundin natin ang kabutihan ayon sa paningin ng Diyos. Ano ba ang depinisyon ng Diyos sa kabutihan? Ganito ang sabi sa Mikas 6:8, “Itinuro na niya sa iyo kung ano ang mabuti.  Ito ang nais ni Yahweh: Maging makatarungan ka sa lahat ng bagay, patuloy mong mahalin ang iyong kapwa, at buong pagpapakumbabang sumunod ka sa iyong Diyos.”

Mga gawa ng katarungan na katulad ng paglaban sa katiwalian at mga gawa ng kahabagan na katulad ng pagtulong sa mahihirap — ang mga ito ang kabutihang dapat gawin nating mga Pilipino upang tayo’y maging bansang tunay na maunlad.

Show comments