EDITORYAL - Mga ‘pekeng’ suka pangalanan na!

WALO sa 10 suka na nasa pamilihan ngayon ay may halo at hindi gawa sa natural na pamamaraan. Karamihan sa mga ito ay may acetic acid na delikado sa kalusugan.
Dalawang linggo na ang nakararaan, isiniwalat ng Department of Agriculture na maraming suka sa merkado ang peke at inatasan ang Food and Drug Administration (FDA) na ilabas ang listahan ng mga pekeng suka na nasa merkado.
Ganunman, wala pang nakikitang paggalaw sa FDA at hindi pa mapangalanan ang mga pekeng suka na nasa pamilihan at araw-araw na ginagamit ng consumers. Isa ang suka sa paboritong sawsawan ng mamamayan kaya naman nakaaalarma na marami palang peke at maaaring maging dahilan nang pagkakasakit.
Ayon sa report, dahil may kahalong kemikal ang mga sukang nasa merkado, maaari itong maging dahilan nang pagkakasakit gaya ng Parkinsos’s disease, cancer at iba pang degenerative ailments. Umano, ang mga synthetic vinegars ay petroleum based kaya lubhang delikado.
Nagkalat ang mga peke ngayon at lubhang delikado kung ang pagkain o sangkap sa pagkain gaya ng suka ang pepekein para lamang kumita ng pera. Sa dami ng Pinoy na gumagamit ng suka, tiyak na marami ang magkakasakit.
Dapat namang kumilos agad ang FDA para mapangalanan na ang mga suka na nasa pamilihan. Hindi na dapat tinutulugan ang ganitong seryosong usapin. Kapag napangalanan na ang mga pekeng suka agad hakutin at basagin para wala nang ma-kabili ng mga ito.
Ipagharap naman ng kaso ang mga taong mahuhuli na nasa likod ng pamemeke ng mga suka. Bulukin sila sa bilangguan kapag napatunayan sa kasalanan. Hindi sila dapat patawarin.
- Latest