EDITORYAL - Tiyakin ng PNP na ligtas sa mga ‘buwitre’ ang mga estudyante
SA Lunes ay balik-school na ang mga estudyante. Sa taya ng Department of Education (DepEd), humigit-kumulang 27.8 milyong mag-aaral sa pampublikong eskuwelahan ang papasok at maaring madagdagan pa sapagkat marami ang lumilipat mula sa pribadong paaralan dahil sa pagtaas ng matrikula. Sabi ng DepEd, kaya namang ma-accommodate ang mga estudyante sapagkat sapat na umano ang mga classroom. Ang isa sa mga magiging problema ay ang kakulangan ng mga guro.
Hindi lang ang DepEd ang magiging abala sa Lunes sa pagbubukas ng klase kundi pati na ang Philippine National Police (PNP). Malaki ang papel ng PNP para mapanatiling ligtas ang mga estudyante sa kanilang pagpasok at habang nasa loob ng school.
Maraming masasamang loob ang nag-aabang na sa mga estudyante. Mistulang “buwitre” ang mga ito na paikut-ikot sa mga eskuwelahan para makapambiktima. Kapag nakalingat ang mga estudyante, sasalakay ang mga “buwitre”.
Karaniwang ginagawa ngayon ng mga kawatan ay ang pang-aagaw ng cell phone. Magkaangkas sa motorsiklo (riding-in-tandem) ang gumagawa nito. Aabangan ang estudyanteng nagti-text sa kanto at saka dadagitin.
Bukod sa cell phone, target din ng mga kawatan ang bag o ang alahas ng estudyante. Kamakailan lang, isang estudyante ang nakaladkad makaraang hablutin ang kanyang bag ng riding-in-tandem. Hindi binitiwan ng estudyanteng babae ang kanyang bag kaya siya nakaladkad. Nagkasugat-sugat ang katawan ng estudyante. Natangay din ang kanyang bag na may lamang cell phone.
Mayroong mga kawatan na kapag tumanggi ang kanilang bibiktimahin na ibigay ang cell phone o bag ay sinasaksak. Tila sinapian na ng demonyo ang mga kawatan na kailangan pang patayin ang biktima.
Malaki ang papel ng PNP sa kaligtasan ng mga estudyante. Hindi sana ningas-kugon lang ang pagpapatrulya sa bisinidad ng school kundi gawing regular para mapangalagaan ang mga mag-aaral. Huwag hayaang makalapit ang mga “buwitre”.
- Latest