Sunud-sunod na naman ang nagaganap na mga aksidente sa lansangan, hindi lamang sa Metro Manila kundi maging sa mga lalawigan sa buong kapuluan.
Ang masakit dito, marami na namang buhay ang nabuwis dahil sa mga trahedya sa daan.
Kamakalawa lamang, sampu ang nasawi nang mahulog sa bangin ang isang pampasaherong jeep sa Libon, Albay.
Gaya nang dati nawalan daw ng preno ang jeep na hindi na nakontrol ng driver kaya tuluyang bumulusok pababa.
Sa mga isinagawang pag-aaral, umaabot sa mahigit 70 o mas mataas pa sa kasalukuyan ang nagaganap na aksidente sa kalsada na naitatala araw-araw sa Metro Manila lamang at ang pangunahing dahilan human error.
Sa tala ng MMDA noon lamang nakalipas na taon umabot sa mahigit sa 100 libo ang naitalang vehicular accidents.
Ang lungsod ng Quezon at Maynila ang nangunguna sa may mataas na bilang ng road accidents.
Sa mga sasakyan naman, nangunguna sa madalas na masangkot sa aksidente ang motorsiklo. Ito rin ang may mataas na bilang ng mga nasugatan sa mga insidente.
Bukod sa human error, sinasabing isa pa sa pangunahing dahilan ng aksidente sa daan ay ang mga pasaway na driver na kahit na nakainom ay tuloy pa rin sa pagmamaneho sa lansangan. Isama pa rito ang pagmamananeho habang gumagamit ng mga gadgets.
Madalas ding dahilan sa road accidents ay ang hindi maayos na kondisyon nang minamanehong sasakyan.
Marami pa nga lalu na sa mga pampublikong sasakyan, na talaga namang luma na at panganib na sa daan.
Sa lahat ng ito, dapat na kumilos at umisip ng paraan ang mga kinauukulan, para ito matugunan para man lang mabawasan ang mataas na bilang ng aksidente sa lansangan.