27 nasa narcolist, nagwagi sa halalan

Nasa 27 pulitiko na kabilang sa narcolist ni Pangulong Digong na tumakbo sa nakalipas na halalan ang nagwagi.

Sa kabuuan kasing 47 nasa narcolist, 37 sa mga ito ang tumakbo sa midterm polls.

Dalawamput-pito rito ang nagwagi at hahawak ng ibat-ibang posisyon, sampu ang hindi pinalad.

Matatandaan na noong Marso , bago nga ang gaganaping halalan , inanunsyo ang mga pangalang nasa listahan.

Ito umano ay para magabayan ang mga botante na mapag-aralan ang mga politicians na nasasangkot sa droga.

Pero mukhang hindi ito kinagat ng mga botante, dahil sa kabila nga na inihayag sila na kasama sa narcolist, eh pinagkatiwalaan pa rin sila at nahalal.

Karamihan sa mga nagwagi ay reelectionist.

Bagamat nahayag na ang mga pangalan, karamihan sa mga ito ay hindi pa nasasampahan ng kaso.

Baka ito ang tinimbang ng mga botante dahil sa wala namang kaso na naisampa laban sa mga ito.

Isama pa rito, ang kaugalian ng mga Pinoy na pagtanaw ng utang na loob.

Pero kahit na nakalusot sa eleksyon, patuloy pa naman umano , ayon sa PNP ang imbestigasyon at pagkalap ng mga ebidensya hanggang sa paghaharap ng kaso sa mga ito.

Noon pa man marami na ang tutol sa pagsasapubliko sa mga pangalan ng narco-politicians na kabilang nga sa listahan ng Pangulong Digong, mas nais nila ay kung may matibay na ebidensya eh sampahan na lang agad ng kaso.

Yun nga lang hindi nangyari, kaya marahil hindi napakinggan ng mga botante.

Nagsalita na ang mga mamamayan, na dapat nga lang igalang at kilalanin ano man ang kanilang naging desisyon.

Pero hindi pa rin naman dapat bitiwan ang pagsisiyasat .

Show comments