Charisma ni Enteng, ‘di nakuha ni Mayor Eusebio!
MAGMUMUKHANG katawa-tawa si incumbent Pasig City Mayor Roberto “Bobby” Eusebio kapag itinuloy niya ang protesta sa pagkatalo sa nagdaang midterm election. Naniniwala si Eusebio na dinaya siya ng kampo ni mayor-elect Vico Sotto at ang itinuturo niyang salarin ay ang mga depektibong vote counting machines ng Commission on Elections (Comelec).
Sa tingin naman ng mga kausap ko sa Pasig City, itong si Eusebio lang at ang mga alipores niya ang naniniwala na nadaya siya. Araguuyyy! Kasi nga naman, paano madadaya ng kampo ni Sotto si Eusebio eh nasa kanyang mga palad ang makinarya ng City Hall, kasama na ang mga titser at mga empleyado ng siyudad.
Hindi lang ‘yan! Kumpleto rin ang slate ni Eusebio at kung kumilos at nangampanya ng maigi ang mga ito, aba malaking tulong ito para marating ng kampo niya ang rurok ng tagumpay, ‘di ba mga kosa? Samantalang si Sotto at kaalyadong si Roman Romulo ay walang vice mayor at mga konsehal subalit halos doble ang lamang kay Eusebio at kapatid na si Rep. Ricky Eusebio. Hak hak hak!
Kung sabagay, lahat nang natatalong pulitiko sa Pinas ay nagsasabing sila ay dinaya, ‘di ba mga kosa? Hehehe! Hindi matanggap ni Bobby na sa liderato niya nawala ang kinang ng mga Eusebio sa pulitika after 27 years?
Kung si Manila Mayor Erap Estrada ay may humahatak sa kanya pababa sa katauhan ni MPTB chief Dennis Alcoreza, si Eusebio ay meron din at siya, ayon sa mga kosa ko, ay si Lolit Austria, ang executive secretary ni Bobby.
Si Lolit mga kosa ay pinipili lang kung sino ang kakausapin ni Eusebio at kadalasan inuuna nito ang mga may sinasabi sa buhay at palaging nasa dulo ang mga mahihirap. Pati ang media ay hindi makakausap si Eusebio, at ang masakit pa tinawag sila ni Lolit na “mga timawa.” Araguuyyy!
Kaya maraming naiinis kay Eusebio dahil kay Lolit at ang kinalabasan nito ay ang pagboto nila kay Sotto na maaring tawagin na “protest vote.” Suplado pa si Eusebio at hindi nakuha ang charisma ng ama na si Enteng Eusebio.
Hindi kaya niya napupuna na noong kasagsagan ng kampanya ay halos hindi siya at ang tiket niya hinaharap ng mainit ang kanyang constituents? Subalit kapag sina Sotto at Romulo ang dumating sa isang lugar, naglalabasan ang mga tao, at ang naiwan sa mga bahay nila ay ang mga alaga nilang hayop.
May mga taxi driver pa na tinatawagan ng mga asawa para sabihin na andun si Sotto sa lugar nila. Sumakatuwid mga kosa, malayo si Bobby sa tatay Enteng niya na suwabe ang relasyon sa media at higit sa lahat ay nakikisalamuha sa mga mahihirap kaya mahal na mahal siya ng mga residente. Hak hak hak! Imbes na magprotesta, alamin na lang ni Bobby ang kanyang pagkakamali at paghandaan ang return bout nila ni Sotto sa 2022, di ba mga kosa?
Kung sa mga nagdaang mga election, ang charisma ni Enteng ang gumiya para maluklok sa trono itong asawa niya na si Solly, si Bobby at ang asawang Maribel. Gayahin lang ni Bobby ang ugali ni Enteng, tanggalin ang mga excess baggage sa paligid n’’ya tulad ni Lolit, at siguradong panalo na siya sa 2022. Abangan!
- Latest