Patas hindi bias

KAPAG sa Pambansang Sumbungan ka nagreklamo o humingi ng tulong, asahan mong patas ang imbestigasyon at hindi bias.

Tandaan, hindi porke’t ikaw ang nagrereklamo ay ikaw ang biktima, ikaw ang tama at ikaw ang papanigan ng BITAG.

Kapag sa aming imbestigasyon ay ikaw ang tama, ang naagrabiyado at totoong biktima, ipaglalaban ka ng BITAG hanggang sa huli.

Subalit kapag nalaman naming ginagamit lang ang BITAG sa pansariling kapakanan at kapritso, tatamaan ka rin – ora mismo! Hindi para kagalitan o kondenahin ka, kundi para mamulat ang mga mata mo sa katotohanang may pagkakamali ka rin na kailangang ituwid.

Etong isang machine operator, inirereklamo ang kanyang principal company na Candyman Inc. at agency niyang Golden Seeds Manpower. Sinibak daw kasi siya dahil pinagbintangan siyang umiinom sa labas ng kanyang pinapasukan.

Paliwanag ng pobre, softdrinks ang kanyang iniinom noon at hindi alak. Hindi raw siya pinakinggan ng kanyang agency at bigla na lang siyang sinibak.

Nais na lang niyang habulin ngayon ang kanyang backpay lalo na’t isang buwan na siyang walang trabaho ay wala na siyang maipang tustos sa kanyang pamilya.

Iba naman ang bersiyon ng kanyang ahensiya, hindi naman daw sinibak ang trabahador at ililipat lamang ito ng ibang employer. Nakipagsuntukan daw kasi ito sa katrabaho sa mismong oras ng trabaho na mahigpit na ipinagbabawal ng employer.

Ang mismong nagrereklamong trabahador daw ang tumanggi na ilipat ito ng ibang kompanya at nagde-demand na bayaran na lang. Dito nag-iba ang kinikilos ng “biktima kuno”.

Inamin niyang totoong nakipagsapakan siya sa katrabaho pero sinungaling daw ang kanyang agency. Naloko na!

Nais makipag-ayos ang agency, sa katunayan ay handang tanggapin ulit at bigyan ng panibagong trabaho ang nagrereklamo. Subalit nagmamatigas na ang mokong, pera na talaga ang gusto kaya dito na siya binitawan ng BITAG.

Payo ko sa kanya, tanggapin ang pagkakamali at huwag nang ulitin pa ito. Makipag-ayos sa kanyang ahensiya dahil nangako naman ito sa BITAG na bibigyan ulit siya ng trabaho. Mahirap maghanap ng bagong kabuhayan sa ngayon

Analytical at sceptical ang BITAG, anumang katiting na impormasyon na makatutulong sa paglutas namin sa isang sumbong ay kukuhain, anumang baho ang itinatago ay aming kakalkalin, di porke’t nauna kang magsumbong sa amin ay maniniwala na kami ng parang mga uto-uto.

Hindi lang pagtatangol sa mahihina ang layunin namin, dahil aming misyon din ang makinig at magbigay aral sa mga sumbong na idinudulog sa amin. Kaya’t ibahin ninyo kami, dahil ang pagiging patas sa paglutas sa bawat sumbong malaki man ito o hindi, ang pamantayang ibinabandera ng tunay na Pambansang Sumbungan, ang BITAG.

Show comments