Isyu sa death penalty maingay na naman !

Umiinit na naman ang usapin tungkol sa pagbabalik ng parusang kamatayan.

Ngayong marami sa mga kaalyado ng Pangulong Digong  ang mauupo sa 18th congress, hinihinalang posible na itong lumusot.

May ilang  grupo na ngayon pa lang eh nagpapahiwatig na haharangin nila na  ito ay maisabatas, siyempre pa nangunguna nga rito ang human rights groups.

Pero sa panig ng PNP, hindi pa umano ito napapanahon.

Marapat pa umano ang masusing pag-aaral at hindi kaila-ngan  magpadalus-dalos sa pagpapatupad  nito.

Taliwas naman ito sa pananaw ng ibang law enforcement agency na nagsasabi na panahon na para maipatupad ito sa bansa lalo na nga’t matindi pa rin ang problemang kinakaharap sa ilegal na droga at mga karumal-dumal na krimen na nagaganap.

Ang Pinas umano ngayon ang siyang paboritong bagsakan ng ilegal na droga dahil nga sa malamyang batas ukol dito.

Ang Pinas kumpara sa mga kalapit-bansa sa Asia ang walang parusang bitay kaya ito ang gustong lugar para sa operasyon ng mga sindikato sa droga.

Halos sa araw-araw ay walang tigil ang operasyon sa illegal drugs, patuloy ang pagkakasamsam ng mga bulto ng illegal drugs.

Hindi na matapus- tapos at hindi nauubos.

Anut- anuman ang parusang bitay ay isang isyu na nangangailangan ng masusing pag- aaral. Baka nga hindi pa handa ang bansa para dito.

Dapat munang pagtuunan nang pansin ang justice system sa bansa.

Kabilang na nga dito ang maraming kaso na natutulog sa ibat- ibang korte.

Ang mga kasong maraming taon ang hinihintay bago madesisyunan.

Hindi lamang ang mga biktima o kanilang kaanak ang matagal na naghihintay para makamit ang hustisya, kundi maging ang mga akusado na sa bandang huli ay mapapawalang sala pero sa tagal  nang kanilang pagkapiit sa bilangguan ay mistulang napatawan na rin ng kaparusahan kahit  nga walang kasalanan.

Show comments