Labanan ang maruming pulitika USAP TAYO
KATATAPOS lamang ng eleksiyon, kaya mainit na mainit pa ang pulitika. Ang totoo, laging mainit dito sa atin ang pulitika. Inaalmusal natin ang pulitika. Ito ang ating pambansang libangan. Hindi naman masama ang pulitika, per se. Ito ang siyensiya o sining ng pamamahala. Bilang siyensiya o sining, mahalaga ang pulitika sa progreso ng tao. Sabi nga ni Aristotle, “Man is by nature a political animal.”
Kaya sumasama ang pulitika ay dahil sa maling paggamit nito. Sabi nga ni Henry Brooks Adams, “Politics, as a practice, whatever its professions, has always been the systematic organization of hatreds.” Nakalulungkot na ito ang uri ng pulitika na natutuhan nating mga Pilipino. Ang alam nating pulitika ay ‘yung madugong pulitika, tulad ng sinabi ni Aneurin Bevan na “politics is a blood sport.”
Napakatindi ng epekto ng maruming pulitika sa moralidad ng lipunan. Ayon kay Otto von Bismarck, “winawasak ng pulitika ang character ng isang tao.” Si Louis McHenry Howe ay nagsagawa ng ganitong conclusion, “You can’t adopt politics as a profession and remain honest.”
Katapatan, ‘yan ang numero unong biktima ng maruming pulitika. Minsan, binigyan ni Shakespeare ng depinisyon ang pulitiko na “isang taong iniimbento maging ang Diyos.”Ganito rin ang isipan ni Nikita Khrushchev nang sabihin niyang, “Magkakapareho ang mga pulitiko kahit saan. Mangangako silang magtatayo ng tulay kahit walang ilog.”
Naririto ang isang malaking problema — parami nang parami ang maruruming pulitiko. Nauubos na ang mga statesmen na talagang nagmamahal sa bansa. Ang marami sa atin ngayon ay mga pulitikong ang pinangangalagaan lamang ay ang sariling kapakanan.
Patuloy na winawasak ng maruming pulitika ang ating katauhan bilang isang lahi. Nawawala na ang “palabra de honor” at “delikadesa” na noon ay tatak ng lahing Pilipino. Sa panahon ng halalan, ang mga pulitiko ay palipat-lipat ng partido na animo’y mga paru-paro na naghahanap ng masisimsim na nectar ng bulaklak. Ang dating magkakaaway ay biglang nagiging magkakaibigan. Ang dating magkakaibigan ay biglang nagiging magkakaaway.
Maraming Pilipino ang tila hindi na nalalaman ang pagkakaiba ng masama sa mabuti. Binoboto maging ang mga nakakulong at may mga kinakaharap na mga kaso ng katiwalian. Ang posisyon sa gobyerno ay naging pampamilyang negosyo. Pagkatapos ng tatay, ‘yung nanay, pagkatapos ng nanay, ‘yung anak, pagkatapos ng anak, ‘yung manugang, pagkatapos ng manugang, ‘yung kapatid, at wala nang katapusan.
Mayroon pa ba tayong pag-asa? Pag-asa na lamang ang mayroon tayo. Alisin mo ang pag-asang ito, at lahat tayo’y masasawi bilang isang lahi. Paniwalaan natin na may magagawa tayo kapag tayo’y nagkaisa at nagsama-sama para sa kabutihan ng ating bansa. Tumugon tayo sa tawag ni Hesus na makisangkot sa mga gawaing magsusulong ng katotohanan, katarungan at kabanalan. Ang pulitika ay dapat masakop ng Kaharian ng Diyos.
Sa tuwing matatapos ang eleksiyon, nagagalit tayo kapag nahalal ang isang tiwali. Kapag naging senador ang isang walang nalalaman. Kapag naging congressman ang isang jueteng lord. Kapag naging gobernador ang isang trapo. Kapag naging mayor ang isang basagulero. Ang tanong, mayroon ba tayong ginawa upang mahalal ang isang karapat-dapat? Wala tayong karapatang magreklamo kung wala naman tayong ginawa.
Kailangan tayong makisangkot tungo sa pagbabago ng ating bansa. Makisangkot sa mga kampanya na tulad ng paglaban sa maruming pulitika. Ito’y dapat nating ginagawa hindi lamang sa panahon ng eleksiyon, kundi sa bawat panahon.
- Latest