EDITORYAL - Marami pang mangmang na botante
ISA sa maipagmamalaki sa nakaraang eleksiyon ay ang pagiging mapayapa. Walang naitalang malulubhang karahasan, panggugulo sa voting centers at pangha-harassed sa mga guro at iba pang volunteers. Bagama’t nagkaaberya ang may 400 vote-counting machines (VCMs), hindi naman ito maituturing na serious problem at ayon sa Commission on Election (Comelec) ay agad nilang natugunan ang problema.
Ang isa sa maituturing na pinakamasagwang nangyari sa nakaraang eleksiyon ay ang pagiging mangmang pa rin ng mga botante sa pagpili ng kanilang iboboto. Kalabisang sabihin na hindi pa edukado ang karamihan sa mga botante. Marami sa kanila na kung kailan nasa voting center na saka lamang nag-iisip at nagpapasya kung sino ang kanilang iboboto. Mayroon pang nagtatanong sa kakilala o kaibigan kung sino ang dapat niyang iboto.
May mga botante na nagkukuwentuhan kung sino ang kanilang iboboto at halatang hindi nila napaghandaan ang araw na iyon sapagkat nagbabagu-bago sila ng isip kung sinong kandidato ang iboboto. Ibig sabihin, nagtungo sila sa presinto na walang alam kung sino ba talaga ang iboboto. Umaasa na lang sila sa maaaring sabihin ng kaibigan o kakilala o kaya ay ang maririnig nila. At ang pangalan ng kandidatong narinig nila ang inilagay nila sa balota.
Bahala na si Batman. Ito ang karaniwang sinasabi ng mga botante kapag nasa harap na nila ang balota at pumipili ng kanilang iboboto. Kung sino na lang ang kanyang maisip, iyon ang isi-shade niya sa balota. Kung sino ang maalala sa patalastas sa TV, iyon na lang. Kaya ang nangyayari, nagtungo lang ang botante sa presinto hindi dahil sa gusto niya ang binoto kundi para masabi na siya ay bumoto. Pero sa katunayan, nasayang ang kanyang boto dahil hindi niya napag-isipang mabuti ang taong isinulat sa balota.
Kailangang ma-educate ang botante. Kailangang mawakasan na ang kamangmangan sa pagboto. Dapat mamulat na ang marami sa tamang pagpili ng mga iluluklok sa puwesto. Sana, makagawa ng hakbang ang pamahalaan ukol dito para naman mabago na ang kalakaran sa pagpili ng iluluklok sa puwesto.
- Latest