KILALA si St. Patrick bilang patron saint ng Ireland. Paano at bakit siya ang naging patron ng mga Irish samantalang hindi naman siya tagaroon?
Siya ay mula sa maykayang pamilyang Kristiyano sa Britain. Isang gabi ay may Irish raiders na nakapasok sa kanilang hacienda. Umalis ang mga magnanakaw dala ang pera, mahahalagang gamit at ang 16-year old na binatilyong si Patrick. Ibinenta siya bilang alipin at dinala sa isang malayong bundok para gawing pastol.
Kahit hindi relihiyoso, pagdarasal na lang ang kanyang ginawang armas para matagalan ang kanyang paghihirap. Pagkatapos ng anim na taong pagiging alipin, siya ay nagkaroon ng pagkakataong makatakas.
Nakabalik siya sa kanyang pamilya na sugatan ang katawan at pagkatao ngunit may kakaibang pananampalataya sa Diyos. Ito ang naging daan para magpasya siyang magpari. Isang pagkakataon ay nanaginip siya na inuutusan ng anghel na bumalik sa Ireland para tulungan ang mga taong maging Kristiyano.
Sa loob ng 30 taon, nagawa niyang magpatayo ng simbahan, monasteryo, magbinyag ng libo-libong mananampalataya. At higit sa lahat, marami rin siyang nahikayat na magpari.
Bago dumating si Patrick sa Ireland, ang kanilang relihiyon ay nakabase sa paniwalang pagano—‘yung sumasamba sa araw, hayop at iba pa. Mas maraming Irish noon ang pagano at mabibilang lang sa daliri ang Kristiyano.
Ngunit dahil sa pagtitiyaga ni Patrick na noo’y isa nang bishop, nagtagumpay siyang i-convert ang Ireland sa pagiging Christian country.