MARAMI nang botante ang nagkamali sa paghahalal ng kandidato. ‘Yung kandidato na inaasahan niyang magpapabago sa kalagayan ng kanyang buhay ay hindi nagawa ang pinangako noong nangangampanya.
Hindi tinupad ang namutawi sa matatamis na labi. Talagang nasa huli ang pagsisisi.
Ang nagawa na ay hindi na maaari pang ibalik pero may pagkakataon pa naman dahil walang katapusan ang paghahalal ng mga mamumuno sa bayan.
Patuloy ang pagboto kaya ang botante na mismo ang dapat maging matalino sa pagluluklok muli ng mga mamumuno. Magkaroon na ng leksiyon.
Kailangang suriing mabuti ang mga iboboto para hindi na malinlang at maloko. Huwag nang maging mangmang sa pagboto sa araw na ito.
Kadalasan, kapag nasa voting precinct na o kapag nakaupo na sa silyang sulatan ang mga boboto, saka pa lamang sila namimili ng iboboto.
Ang nangyayari kahit sino na lamang ang kanyang isi-shade sa balota. Bahala na si Batman. Hindi dapat ganito ang mangyari ngayon. Wasakin na ang ganitong attitude sa pagboto.
Bago magtungo sa voting center o mga paaralan, gumawa na ng pinal na listahan o kodigo ng mga sinuring kandidato. Sa oras ng pagboto, ilabas ang kodigo at ito lamang ang tularan. Sa paraang ito, tiyak na walang nakalimutan sa mga napisil na kandidato at wala ring kahirap-hirap ang pagboto.
Tandaan ng mga botante, ang pagsuri o pag-alam sa pagkatao ng kandidato ay lubhang mahalaga. Bago bumoto, suriing mabuti ang iluluklok sa puwesto. Tanungin din ang sarili: May kakayahan at malinis ba ang record ng iboboto ko?