EDITORYAL - Leksiyon sa basurang Canada

MATINDI ang utos ni President Duterte sa mga taga-Bureau of Customs: Huwag tatanggapin ang garbage shipment! Hindi garbage collectors ang Pilipinas! Total ban sa importation ng waste material ang ipinag-utos niya.

Nagkaroon na ng leksiyon dahil sa basura ng Canada na dinala sa bansa noong 2013 at 2014 at hanggang ngayon, narito pa. Kung hindi pa nagbanta ng “giyera” sa Canada ang Presidente, hindi pa maibabalik ang basurang kinabibilangan ng household at hospital wastes. Sa Miyerkules (Mayo 15) inaasahang ibabalik na ang mga basura sa Canada ayon sa utos ni Finance Sec. Carlos Dominguez sa  Customs. Ayon sa isang report, ang Canada ang gagastos sa pagpapabalik ng basura.

Nang unang buksan ng Customs ang mga container noong 2013, natambad at nalanghap nila ang mga nabubulok na basura. Nang mag-usap sina Presidente Duterte at Canadian Prime Minister Justin Trudeau noong nakaraang taon nang dumalo ang huli sa APEC Summit sa Maynila, nangako na sosolusyunan ang problema. Pero lumipas pa ang isang taon at walang action ang Canada ukol dito na ikinagalit ni Duterte. Kung maibabalik na ang Canadian trash sa Mayo 15, matatapos na ang problema na anim na taon ding tiniis ng bansa. Pero may nagtatanong kung ilan ba talaga ang containers ng basura na ibabalik sa Canada. Ang tanong ay lumutang nang sabihin ng Customs na marami na palang basura ang naitapon sa Tarlac noong Hulyo 2015 sa utos ni dating DENR Secretary Alberto Lina. Ayon sa report, 34 containers ang naitapon sa landfill ng Metro Clark Waste Management Corp. sa Bgy. Kalangitan, Capas, Tarlac. Hindi malaman kung bakit ipinag-utos ng dating DENR secretary ang pag-disposed sa 34 containers.

Ayon sa Customs ang total containers ng basura na dumating sa bansa ay 103. Sa bilang na ito, 55 ang naka-consigned sa Chronic Plastics at 48 sa Live Green Enterprises. Ayon sa Ecowaste Coalition, may nawawala pang walong containers at hindi maipaliwanag kung saan ito napunta. Ang mga container ay kasalukuyang nasa Subic Bay International Terminal Corp. at sa Manila International Container Terminal.

Kung matatapos na ang isyu sa basurang Canada, sana magkaroon na ng leksiyon ang mga opisyal ng pamahalaan lalo ang Customs. Huwag tanggap nang tanggap ng imported na basura.

Show comments