WALANG kadala-dala itong mga delingkwenteng deve-loper na sunud-sunod ang reklamo laban sa kanila. Lantad na sa publiko ang kalokohan pero ang kakapal ng mga mukha at patuloy pa rin sa panloloko.
Binobola at ginagamit ng mga dorobo ang pera ng mga pobreng buyers pantustos sa mga naunang proyektong ipinapagawa nila. Pagdating sa pagtu-turnover ng mga biniling bahay, puro palusot at di marunong tumupad sa pangako.
Eto namang Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB), kayo pa mismo ang nagsabi na patung-patong na ang reklamo sa inyo ng mga delingkwenteng developer lalo na itong Hall of Famer na San Jose Builders pero anong ginagawa niyo? Tila napahimbing ang pagtulog n’yo sa pansitan. Nananawa na ako sa mga sagot n’yo sa amin na papuntahin at dadaan sa proseso. Oo nga, ang tanong may nasolusyunan na ba?
Eto kasing San Jose Builders, estilo na i-default ‘yung kanilang mga kliyente. Gumagamit ng delaying tactics saka babanatan ng Maceda Law para baliktarin at di na maka-claim ang mga pobreng kliyente. Pagdating sa money claims, hands off naman ang HLURB. Naturingang taga-regulate pa man din kayo pero anong silbi n’yo kung tuluyang mamamayagpag etong mga dorobong developers tulad ng San Jose Builders at Kirkwood?
Imbis na katakutan kayo ng mga dorobong ito, e hindi na kayo kinagugulatan. Pinababayaan n’yo lang sila sa mga kabulastugan nila sa mga pobreng kliyente.
Gigisingin ko na rin kayo, HLURB. Gawin n’yo ang trabaho at aksyunan ang mga reklamo laban sa mga siraulong developers na ‘to.
Maging ang Chambers of Real Estate and Developers, itinuturo ang authority sa inyo bilang ahensiya ng gobyerno. Napapailing na lang ang CREBA sabay sabing, “ang HLURB ang may kapangyarihan diyan”.
Oo may otiridad at pangil nga kayo diyan sa HLURB, wala namang kamandag. Kaya pinagtatawanan kayo at di kinatatatakutan nitong mga ijo de kabron na mga mapagsamantalang developers.
Tulungan n’yo ang mga simpleng tao na dugo’t pawis ang pinuhunan makadiskarte lang ng pambayad sa inaasam na bahay at lupa. Di sila karapat-dapat sa panloloko.
Kayo namang dorobong developers, ‘wag n’yong hintaying mawalan ng tiwala sa inyo ang mga kliyente. Kung walang buyers, patay ang negosyo n’yo.
Hindi magsasawa ang BITAG na ilantad sa publiko ang mga kalokohan ninyo, kahit na higanteng kompanya pa kayo!